NAGBABALA ang Saudi Arabia na makalipas ang nasa 20 taon, sisirit na ang presyo ng langis sa $160 kada bariles.
Ito ang presyong nasa P50-pataas ang bawat litro ng diesel at nasa P65-pataas naman ang sa gasolina.
Bunga ito, mga Bro, ng malaking posibilidad na paliit na ang suplay ng langis sa buong mundo.
May babala na rin na malapit nang maubos ang natural gas na nagmumula sa Malampaya sa Palawan. At paano kung sisipsipin pa ng bansang Tsina ang pondo ng natural gas sa kapaligiran ng Malampaya sa pagsakop nito sa mga islang itinuturing na pag-aari ng Pilipinas at may malaking deposito ng natural gas sa West Philippine Sea?
PAMALIT
Dahil sa nalalapit nang maganap ang mga problemang ito, kailangang pangunahan ng pamahalaan ang paghahanap at pagpapaunlad ng mga pamalit na enerhiya.
Hindi lang para sa paglikha ng enerhiya para sa mga hindi gumagalaw na bagay gaya ng mga tahanan, opisina, pabrika at street light kundi para sa mga gumagalaw na rin gaya ng iba’t ibang uri ng sasakyan sa kalupaan hanggang sa karagatan at kalangitan.
Naririyan ang mga araw, hangin at tubig na pupwedeng pagkunan ng enerhiya. Puno ang mahal kong Pinas ng liwanag ng araw, hangin at tubig at maituturing na walang hanggan ang mga ito na pagkukunan ng enerhiya.
Ang pamahalaan ang inaasahan sapagkat naiipon dito ang trilyon-trilyong salapi ng bayan na pupwedeng gamitin sa pagdiskubre, pagpapaunlad at pag-aani ng enerhiya mula sa kalikasan.
SOLAR CAR
Mayroon na tayong nagawa at tumatakbong sasakyang solar car at salamat sa mga estudyante at guro ng La Salle University at mga negosyante at mamamayang tumutulong sa pagpapaunlad ng ganitong sasakyan.
Dapat na maging aktibo ang pamahalaan sa pagsusulong ng kaalaman at kakayahan ng mga mamamayan na lumikha ng solar car.
May nakatayong pabrika ng solar panel sa ating bansa at dapat na samantalahin ito ng pamahalaan upang mapaunlad ang kaalaman at kakayahan para sa paggawa ng solar car.
SOLAR PLANE
May lumilipad na ring solar plane at nakaikot na nga sa buong mundo nang walang tigil sa kung ilang araw na paglipad.
Muli, dapat na isulong ng ating pamahalaan ang kaalaman at kakayahan ng mga Filipino na magpalipad ng mga solar plane sa bisa ng init o liwanag ng araw.
Sa ngayon, napakarami nating mga eroplanong sibilyan at komersyal at may mga eroplano mismo ang pamahalaan, lalo na sa hanay ng militar.
Maano ba namang isipin magmula ngayon na pupwede na tayong magpalipad ng eroplano sa bisa ng init at liwanag ng araw balang araw?
SOLAR SHIP
Kung nagagawan ang mga sasakyang panlupa at panlangit ng enerhiya, bakit hindi pupwedeng gumawa ng solar ship?
Kailangan natin ito dahil sa binubuo ang ating bansa ng mahigit sa 7,100 isla.
Mga barko, lantsa at bangka ang kailangan upang mapagdugtong-dugtong natin ang lahat ng mga mamamayan para sa lahat ng mga proyektong pangkaunlaran at iba pang pangangailangan ng mga mamamayan.
KURYENTE SA HANGIN
May nakatayo na ring planta ng kuryente mula sa hangin o windmill sa Ilocos Norte.
Tiyak na ang teknolohiyang ito at mayroon nang kakayahan ang mga Filipino na magtayo nito.
Kung makapagtatayo tayo ng maraming ganitong uri ng planta, tiyak na magkakaroon tayo ng sapat at murang suplay ng kuryente.
Kung sa loob ng nakalipas na limang taon ng gobyernong Aquino ay nakapagtayo sana ng mga plantang pangkuryente na galing sa hangin sa parteng Minadanao, napakalaking tulong sana para ang mga ito laban sa 12-24 oras na brownout tuwing tag-araw.
Nagaganap ang ganito katinding brownout at blackout sa Mindanao dahil sa paghina ng suplay ng kuryente mula sa mga dam na natutuyuan o nauubusan ng dumadaloy na tubig.
WALANG BISYON
Ang nakapagtataka, mga Bro, wala man lang ginawa ang pamahalaang Aquino upang may maitayong plantang katulad ng windmill sa parteng Mindanao na grabeng sinasalanta ng kawalan ng sapat ng kuryente taon-taon.
Wala rin tayong naririnig na aksyon nito upang bigyan ng sapat na pondo at tulong na tao sa mga gumagawa ng solar car.
At lalong wala tayong naririnig mula sa pamahalaan na gawing kahit panaginip man lang ang pagkakaroon ng mga solar plane at solar ship.
Nangangahulugan na walang bisyon sa malayong hinaharap ang mga lider ng bansa.
Kung ang mga lider ng ibang bansa, gaya ng mga nasa Saudi Arabia at iba pa ay nakapag-iisip ng kinabukasan hanggang 20 o 100 taon, sa Pilipinas ay walang mga lider na ganito.
Kahit pa sa hanay ng mga tumatakbong kandidato sa pagka-Pangulo ngayon ay walang ganitong pag-iisip.
Ang laman ng isip ng mga ito ay kung paano dayain ang isa’t isa sa pamamagitan ng diskwalipikasyon, hokus-PCOS, pagpapabilanggo at iba pang maruming anyo ng pulitika.
PUNYETA!
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA