SA mga karaniwang bata, materyal na bagay ang hihilinging regalo para sa Pasko sapagkat sa murang isip nila ay hindi pa abot ng kanilang kamalayan ang kahirapang hinaharap ng karamihang mamamayan.
Subalit sa isang batang nakatira sa squatter’s area sa Tondo, Maynila na nakatagpo ng Pakurot sa gift-giving project ng Rotaract Club of Adriatico at Rotaract Club of NAIA, nais niyang regalo ang mabigyan ng trabaho ang kanyang ama upang maging maayos na ang takbo ng kanilang pamumuhay.
Ayon sa batang edad 6, dating may trabaho ang kanyang ama na isang empleyado sa isang kumpanyang nagsara matapos malugi. Humanga ako sa bata dahil sa kanyang murang edad ay bukas na ang kanyang isipan sa mga pangyayari.
Naiintindihan niya na nawalan ng trabaho ang kanyang ama dahil sa pagbagsak ng kumpanyang pinapasukan nito. At ang sabi niya, kung makakikita lang ng trabaho ang kanyang ama ay tiyak na hindi na mamamasura ang kanyang ina at maging silang magkakapatid.
Napakalawak ng isip ng batang ito na nagsabing kung magkakatrabaho muli ang kanyang ama ay tiyak na magiging maayos muli ang kanilang buhay at hindi sila kakapusin sa panggastos sa araw-araw at maging ang kanilang pag-aaral na magkakapatid ay hindi maaapektuhan.
Nabatid ng Pakurot na ang pamilya ng mga ito’y kabilang sa nabibiyayaan ng 4Ps ng pamahalaan noong mga nakaraang buwan subalit ngayon ay tila nagkakaroon ng problema sa pamamahagi ng tulong-pinansiyal ng pamahalaan sa mga mahihirap na mamamayan.
Nahihiwatigan ng inyong lingkod na nais ng bata na magkatrabaho ang kanyang ama upang hindi na umasa sa pamahalaan ang kanilang pamilya, na ayon pa sa musmos ay napakahabang pila bago maiabot sa kanilang pamilya ang konting halaga.
Hirap na hirap din silang mapagkasya ang tulong ng pamahalaan at kita nila sa pagtutulong-tulong na pamamasura. Kaya nga minsan, sabi niya ay nag-aaway ang kanyang ama’t ina.
Naniniwala ang bata na kapag may trabaho ang kanyang ama ay magiging maayos ang pagsasama-sama nila bilang pamilya at maaayos din ang kanilang pag-aaral na ayon daw sa kanilang ina ay susi sa kanilang pagbangon sa buhay.
Maganda ang pananaw sa buhay ng pamilya ng bata kaya dapat ay magising ang pamahalaan upang mabigyan ng trabaho ang marami sa mga mamamayan at sana’y ang sahod na ibibigay ay sapat sa maayos na pamumuhay.
Maisip sana ng pamahalaan na magkakarugtong ang sanhi ng problema ng mga mamamayan. Mula kakulangan sa trabaho, kahirapan, gutom, edukasyon, katahimikan at kaayusan at iba pa.
Kung may maayos na trabaho tiyak na maiibsan ang ibang problemang kinakaharap ng maraming mamamayan lalo na ang may pamilya. PAKUROT/LEA BOTONES