KAKAPALAN ng mukha at kabobohan na isipin ‘yung nangyaring aberya sa MRT-3 kamakailan.
Sinundan muli ito ng kaliwa’t kanan na aberya ilang araw matapos ang “pagsabotahe” raw sa kanilang operasyon?
Saan ba nag-aral itong si MRT GM Roman Buenafe? O sadyang nahawa ka na sa pagkainutil ng mga tao sa rehimen ni Noynoy Aquino?
Nagtaka ka pa at nagsabi na sinadya bilang sabotahe ang aberya ng MRT?
Kasipsipan na iyan, GM Buenafe. Ikaw lang yata ang hindi nakaaalam na inutil ang kontraktor para magmantine riyan sa MRT-3.
Maliban na kulang sa kalaaman sa pangangalaga ng serbisyong perokaril, wala silang pagpapahalaga sa buhay ng taumbayan!
Ituro mo nga ang palagay mo ay mananabotahe pa sa sira-sirang sistema ng MRT?
Kung mayroon man, ikaw, kayo, sa pangunguna ng amo ninyo sa DOTC ang may sala sa buong nangyayari hindi lang sa MRT kundi sa LRT at buong problema na bumabalot ngayon sa sektor ng transportasyon.
Bago naupo ang rehimeng Aquino, wala ni katiting na problema ang MRT at LRT. Palaging malinis ang mga bagon at maayos lahat ang riles dahil gabi-gabi ay iniinspeksyon ng Sumitomo of Japan at Inekon ang mga riles at tren.
Mismo ang bawat istasyon ay tinitiyak na malinis, maliwanag. Kapag may nasisira noon na escalator o elevator, walang isang araw ay naibabalik ang mahalagang serbisyo nito lalo na sa mga matatanda, may kapansanan at mga buntis.
Ngayon Mr. Buenafe, wala nang magamit na elevator at escalator! Inuulan ang maruruming bagon at nangangatog ang mga riles.
Masama rin ang signaling system dahil ang inyong tagapangalagang kontraktor sa pagmantine ay pawa ring mga walang alam at inutil!
Paaalis na lang kayo sa puwesto, hindi pa kayo gumawa ng tama na maglilinis sa inyong halos anim na taong kapabayaan sa serbisyo sibil, sa lahat ng aspeto!
Ikaw sa iyong sarili, naisip mo ba ang sinabi mong sabotahe? Kung sabagay, iyan ang madalas na palusot ng bugok at bobo na manager.
Sa halip na alamin muna ang problema at tugunan ng solusyon, mas madali nga na ibintang sa iba. Katamaran.
Kabugukan!
Kung may natitira ka na respeto sa iyong sarili. Kung naiisip mo ang kahihiyan na nadaramay ang iyong pamilya, Mr. Buenafe, mas makabubuti sa iyo na magbitiw na.
Sabotahe sa MRT? Mga bugok! BALETODO/ED VERZOLA
