HINDI mapasusubalian na tatangkilikin ng mga taga-Visayas at Mindanao itong si Mayor Rodrigo Duterte sa Mayo.
Kitang-kita kasi sa buhos ng suporta ng mga residente sa nabanggit na mga lugar ang kanilang kagustuhang iluklok si Duterte sa Malakanyang lalo na’t matagal-tagal na rin namang hindi nagkakaroon ng pinuno ng bansa na galing dito.
Para sa kaalaman ng lahat si Duterte ay taga-Cebu at Davao kaya naman nag-uumapaw ang malasakit ng mga Bisaya at Mindanaoan sa kanilang pambato.
Halos lahat ng sektor ay nasa panig ni Duterte sa nabanggit na mga lugar kaya naman tiyak na ang bulto-bultong boto galing dito.
Pinatunayan din sa mga pagtitipon ni Digong sa iba’t ibang lugar sa Visayas at Mindanao ang pagsugod ng tao at ang kakaiba nga rito ay hindi ito hakot crowd na ginagawa ng kampo nina Mar Roxas at Jojo Binay.
Malinaw kasi na hindi trapo itong si Duterte kaya naman ang mga tahimik at ordinaryong tao ay nakukuha nito ang simpatiya dahil kitang-kita naman ang resulta ng ginawa nito sa Davao, na isa sa pinakamalaking siyudad sa buong mundo.
Maging ang mga Metro Manila ay nagpakita ng suporta kay Digong at iyan ang hindi kayang pasubalian dahil malinaw sa mga survey at umpukan sa kanto na gustong lahat ng mamamayang Pilipino ng pagbabago na may direksyon tungo sa pagkakamit ng tunay na kapayapaan at katahimikan sa bansa.
Ibang-iba ang Duterte magic sa ngayon dahil kung noon panahon ni Noynoy ay tinangkilik s’ya ng tao dahil sa kanyang mga magulang lamang ay iba si Digong dahil minahal at sinusuportahan siya ng madla dahil sa kanyang mga ginawa. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO