ALANG-ALANG sa patas na pamamahayag, binibigyan natin ng espasyo ang naging sagot ni Prosecutor General (PG) Claro Arellano sa ating kolum noong Disyembre 3.
Kung ating babalikan, isang concerned citizen ang sumulat sa Firing Line na nagtatanong kung ang prosecutor general sa Department of Justice (DOJ) ay awtorisadong makialam sa isinasagawang preliminary investigation ng city prosecutor.
Upang makapagbigay ng kapani-paniwalang sagot ay nagdesisyon akong sumangguni sa ilang kaibigan na nasa legal na propesyon.
Pare-pareho ang kanilang naging sagot: Ang city prosecutor na itinalagang magsagawa ng preliminary investigation ay binigyan ng tanging kapangyarihan para makagawa nito at dapat malaya siya sa pagsasagawa nito hanggang mailabas ang resolusyon.
Binigyan-diin ng mga dalubhasa sa batas na ang prosecutor general ay papasok lang sa eksena kung may petisyon na kailangang repasuhin.
Kapag nakialam ang prosecutor general bago ma-isyu ng city prosecutor ang resolusyon, ito ay maituturing na lihis sa tamang proseso.
Inilabas ng concerned citizen ang tanong dahil may katulad na sitwasyon na mukhang nagaganap sa DOJ na kinasasangkutan ng ilang nagrereklamo sa kasong syndicated estafa laban sa isang kumpanya.
Sa aming pag-uusap ni PG Arellano ay tahasan niyang itinanggi ang pangingialam sa preliminary investigation sa reklamong syndicated estafa laban sa kompanyang Omico Corp. at sa matataas na opisyal nito.
Gayunman, kinumpirma niya na ang noon ay Justice Sec. Leila de Lima ang nagsabi sa kanya na utusan si Makati City Chief Prosecutor Jorge Catalan na i-turnover sa DOJ ang lahat ng dokumento kaugnay ng reklamo, at inatasan si Assistant State Prosecutor Tofel Austria bilang acting Makati City Prosecutor para mamahala sa imbestigasyon.
Binigyan-diin ni Arellano na iyon lang ang kanyang naging partisipasyon kung ang syndicated na reklamo ang pag-uusapan.
Binanggit din niya na si Austria ay dapat kumilos nang malaya sa pagreresolba ng motion for reconsideration na isinampa ng mga nagrereklamo dahil siya rin naman ang nag-isyu ng resolusyon na nag-dismiss sa reklamo nito.
Inulit ni Arellano na hindi niya intensyon na impluwensyahan ang desisyon ni Austria sa kahit anomang paraan dahil hindi ito nararapat, na tulad ng tinukoy ng mga dalubhasa sa batas na aking kinonsulta.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.
