UMAANI ng pambansa at pandaigdigang karangalan ang mga Pinoy/Pinay kahit saan sa larangan ng kagandahan. At heto ang maganda, tila walang dayaan sa pagboto ng mga hurado at textmate.
Ibinabatay ang pagboto sa ganda, talento, talino at iba pang magagandang programa sa buhay ng mga kandidato-kandidata.
Walang alingasngas ukol sa siraan at demandahan para ma-disqulaify ang mga kalaban at walang matira kundi ang ganid sa karangalan.
TINUHOG
Nitong nagdaang mga araw at nakaraang taon, tinuhog ng mga Pinay-Pinoy ang mga posisyong ‘pinaka’ sa beauty contest.
Pinakahuli ang Miss Transexual Australia 2016 na napanalunan ni Andrea Jaca-Smith na ipinanganak sa Cebu.
Nauna rito, nakorner din ni Trixie Maristela na Miss Gay Manila ang Miss International Queen 2015.
Siyempre pa, naririyan ang Miss Universe nating si Pia Wurtzbach para sa 2015.
Sumunod dito ang Miss Grandma Universe 2015 na si Babylyn Newfield.
Naiuwi rin ni Anne Lorraine Colis ang Miss Globe 2015 pero binawi ito ng organisasyon ng Ms. Globe dahil Miss Tourism Philippines pala siya at hindi Miss Globe Philippines.
Miss Earth 2015 naman ang naitakbong korona ni Angelia Ong na hinawakan naman ni Jamie Herrel para sa 2014 na Pinay din.
Noong 2013, nanalo naman bilang Miss World na si Megan Young. Kay Bea Rose Santiago naman ipinutong ang koronang Miss International 2013.
KARANGALAN VS KAHIHIYAN
Karangalan ng Pinas ang idinating ng ating mga beauty queen sa buong mundo.
Hindi lang nila iniuwi ang mga korona ng kagandahan kundi inihatid nila ang mensahe sa buong mundo na ang Pinas ay bansa ng mga nilalang na may mabubuting kalooban para sa kapwa at hindi mapagsamantala, mandaraya at magnanakaw.
Sa kabilang banda, ang mga politiko naman natin ay puro kahihiyan ang mga pinaggagagawa.
Ang pinakahuli na pangyayaring nagdala ng Pilipinas sa kahihiyan ay ang muntik na pambuburiki sa dala-dalang bagahe nina Japanese Emperor Akihito at Princess Michiko ng Japan.
Anak ng tokwa, sa ibang mga bansa, nagre-resign ang mga may gawa nito pero sa Pinas, dedma lang sila.
TRANPARENCY INTERNATIONAL
Sa Transparency International, bumagsak din ang grado natin sa korapsyon mula No. 85 na korap pababa sa No. 95 pero nagmamalaki pa rin ang Malakanyang.
Sa media killings na karaniwang mga nasa pamahalaan ang sangkot, No. 2 tayo sa pinakamapanganib na bansa sa mediamen, kahit na walang digmaang nagaganap at hindi katulad sa iba.
Nahigitan na ng Aquino administration ang Ampatuan massacre na may 32 patay na mediamen sa pagkakaroon ng 34 patay sa nakalipas na mahigit limang taon at “still counting” dahil sa Hunyo 30, 2016 pa naman lalayas ang mga taga-Malakanyang … kung hindi sila gagawa ng milagro para sila makakapit-tuko sa puwesto.
KAHIHIYAN SA TUWID NA DAAN
Kung akala ng iba ay natatapos na ang kahihiyan sa pagpapairal ng Tuwid na Daan, anak ng tokwa, higit na marami ang nakararamdam na sa susunod na administrasyon, kung talagang makabayan at makatao ang tatayong lider ng mahal kong Pinas, magpapatuloy ang rekord ng nakawan at pang-aabuso sa kapangyarihan.
‘Yun bang === marami ang lilitaw na kaso ng nakawan at pang aabuso. Alalahanin na kinakandado ng Malakanyang ang halos lahat ng impormasyon ukol sa katiwalian sa nakalipas na limang taon at maaaring hanggang sa Hunyo 30, 2016.
COA VS DBM
Nagrereklamo nga mismo ang Commission on Audit sa hindi paglalabas ng Department of Budget and Management ng mga kinakailangan nilang dokumento ukol sa mga katiwalian ngayon. At kung may inilalabas man ang DBM, halos pawang laban sa mga kalaban ng administrasyon ngayon at sa mga kalaban noong pang nakaraang administrasyon.
Walang mapiga ang COA mula sa DBM ukol sa Priority Development Assistance Fund at Disbursement Acceleration Program na ginamit sa impeachment ni ex-Chief Justice Renato Corona.
Pinananatili sa puwesto ang mga sangkot sa mga multi-bilyong kontrata sa Department of Transportation and Communications.
Bumagsak man din ang koleksyon sa Bureau of Customs dahil sa halalan, nakasiper din ang bunganga ng mga taga-Malakanyang at ang pagbagsak ng BOC collection ay inasahan na nang sipain sa puwesto si John Philip Sevilla.
PARUSANG BITAY
Siguro, makababawi lang ang Pinas sa kahihiyan kung muling ibalik ang parusang bitay.
May gustong ibalik ang parusang bitay pero para lang sa mga sangkot sa droga.
Pero kung pairalin ito laban sa mga korap ang abusado sa kapangyarihan, nungka na gawin ng mga nasa Tuwid na Daan ito.
Sila-sila rin kasi, mga Bro, ang ipipila sa firing squad, lethal injection at iba pang istayl ng paglalapat ng parusang bitay. Hehehe.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA