NOONG araw, ang peryahan na itinatayo sa isang lugar na malapit na ang kapiyestahan ay ligal at dinarayo, lalo na ng mga kabataan dahil sa iba’t ibang palaro at ride.
Pero iba na ngayon, ang peryahan ay itinatayo at dinarayo ng mga bata man o matanda, hindi lang dahil sa mga ride at palaro kundi dahil na rin sa mga iligal na sugal.
Sa Region 1 at 3 ay mayroong dalawang mukha ng peryahan: isang ligal at isang iligal.
Ang ibig-sabihin, ‘pag sinabing ligal, ang mga nasa loob lang ng peryahan ay mga palaro, ride at bingo, at ‘pag sinabi namang iligal ang mga nasa loob nito ay mga ipinagbabawal.
‘Yan ang kalakaran dati ng mga peryahan sa Region 1 at 3 hanggang sa dumating ang isang alyas “RJ”.
Sinasabing ang C Games na ito ni alyas “RJ” ay para lang sa mga operator ng kahit na anong uri ng iligal sa Region 1 at 3, maliban na lang siguro sa droga.
Inimbestigahan ng Lily’s Files kung ano talaga itong C Games na ito ni alyas “RJ” sa Region 1 at 3 at doon ay ating nalaman na ibinebenta pala nitong si alyas “RJ” ang stiker o plaque sa mga perya at iligal na mga operator ng halagang P10,000 at ang sinomang mayroon nito ay hindi pwedeng hulihin dahil nakatimbre umano ito sa DILG at PNP.
Hindi lang ‘yan, nalaman din natin na ang sinomang may plaque ng C Games ay hindi pwedeng banatan sa diyaryo, radyo, maging sa telebisyon dahil nakatimbre rin daw ang mga ito at hindi rin daw ito pwedeng kolektahan ng mga reporter, lokal man o nasyonal.
Sinasabi ng mga operator na kaya raw napilitan silang bumili ng plaque ng C Games para protection nila sa mga publisher ng diyaryo dahil ang sinomang mayroon nito ay hindi pwedeng banatan ng kahit na sinong reporter.
Sa katunayan, sinubukan kung tawagan ang police headquarters sa isang bayan diyan sa Region 1 kung saan may nakatayong peryahan sa tabi ng munisipyo, police headquarter at simbahan pero ang isinagot sa atin ay hindi daw pupwedeng hulihin yan dahil nakatimbre kay Mayor.
Nananawagan po ang Lily’s Files sa mga publisher ng diyaryo sa Metro Manila, lalo na ang mga tabloid, na nagagamit ng husto nitong si alyas “RJ” sa kanyang C-Games. (ITUTULOY)
***
Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo, suhestyon at komento, mag-text lang po sa 09219787042. LILY’S FILES/LILY REYES
