YAMAN din lang na nalalapit na po ang ika-30 taong anibersaryo ng EDSA People Power I, syento porsyento kung ano-ano na namang isasagawang selebrasyon ng administrasyon ni Pang. Noynoy Aquino para gunitain lang at gastusan ng milyong-milyong piso ang makasaysayang “rebolusyon” na naging susi raw (kuno) para maibalik ang demokrasya sa Pilipinas pero sa totoo lang wala namang nangyaring pagbabago.
Natatandaan ko pa noong time na nagkokober ako noong February 22 – 25, 1986 bilang reporter ng DZEC AM radio ay nagsasagawa noon ng malawakang kilos-protesta ang taumbayan laban kay dating Pang. Ferdinand Marcos para mapatalsik ito sa kapangyarihan.
Siyempre ang suma-tutal ay nagtagumpay ang taumbayan sa ginawang “February Revolt” laban kay Marcos na kung saan ay tuluyang nagreyna si Cory Aquino nang siya ay iluklok sa kapangyarihan ng taumbayan sa pag-aakalang magkakaroon ng pagbabago kapag napatalsik sa kapangyarihan si Pang. Marcos.
Ang siste, sa halip na pagbabago ay lalo lamang nasadlak sa kahirapan ang kalagayan ng mga mahihirap sa Pilipinas at ito na ang simula ng kabi-kabilang kalbaryo ng maraming mahihirap tulad ng walang-humpay na pagtaas ng bayad sa kuryente ganung puro brownout naman ang nangyayari sa Metro Manila at karatig-lalawigan.
Lumaganap ang kahirapan, tumaas ang presyo ng mga bilihin at sumikat ang dating pagkain ng mga mahihirap na galunggong (GG) na tila baga nagpresyong ginto sa panahon ni Tita Cory.
Unti-unti ring tumaas ang bilang ng krimen. Kung dati ay ang mga pulis lang ang may baril sa kalunsuran, nang maupo si Cory pati holdaper, kriminal at iba pa ay armado na rin ng mga matataas na kalibre ng baril, bukod pa sa pagdami ng iba’t ibang uri ng sugal, paglaganap ng prostitusyon at lalong pagtaas ng bilang ng walang trabaho at paglawak ng operasyon ng DROGA.
Nagkanya-kanya, hindi nasunod ang inaasahang pagkakasundo ng iba’t ibang political group at naging magulo rin ang pampulitikang kalagayan sa Pilipinas.
Ay naku Onyok. Hehehe.
***
Anomang puna o reklamo i-text sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA
