NGAYONG sumisipa na ang kampanya ng mga kandidato sa pagka-Pangulo, Pangalawang Pangulo at senador para sa darating na halalan sa Mayo, tingnan nga natin kung may magagawa ang mga pulpol…este, politiko, sa lumalalang kawalan ng trabaho ng ating mga kababayan, hindi lang sa sariling bansa kundi maging sa ibayong-dagat.
Sa huling sarbey noong Disyembre ng Social Weather Stations, lumitaw na may 9.1-milyong Filipino ang istambay o walang hanapbuhay. Mababa ito nang 2.2% sa 10M jobless noong September 2015 survey.
Ang naturang unemployment rate na 21.9% ang pinakamababa simula 2004 na may 15.8%. Pero ayon sa analysts, dapat ikabahala na posibleng lumobo ang unemployment kung mananatiling bagsak ang presyo ng langis sa pambansang pamilihan.
Maraming motorista, kabilang na tayo, ang masaya sa pagbagsak ng presyo ng langis dahil bumababa rin ang halaga nito sa mga gasolinahan. Maraming masasaya, lalo ang mga pasahero ng pampublikong sasakyan sapagkat bumaba rin ang mga pasahe.
Subalit para sa isang 3rd world country na kagaya ng Pilipinas na isa sa itinuturing na pinakamalaking labor exporter, ang masama sa patuloy na pagbaba ng halaga ng langis sa pandaigdigang pamilihan ay ang pagkawala ng aktwal at potensyal na trabaho para sa overseas Filipino workers.
Tinatayang 10M Filipino na nagtatrabaho sa ibang bansa, pero ang pinakamalaking bulto nito ay pawang manggagawa sa oil-exporting states sa Middle East at North Africa.
Sinasabing maraming construction company na pinapasukan ng mga Pinoy ang nagsara sa Saudi pa lamang. Sa huling ulat, may 10,000 Pinoy sa Saudi ang nasibak na sa kanilang trabaho. Ang nakatatakot ay ang bantang mawalan din ng hanapbuhay ang may 1.5-milyon pa nating kababayan sa naturang bansa
Lamang ang Filipino kung husay sa trabaho ang pag-uusapan pero mas prayoridad ng mga pinagtatrabahuhang bansa ang kanilang mga sariling kababayan ngayong panahon ng krisis.
Kung dati sa tuwing may krisis ay pumapayag ang OFWs sa tapyas-suweldo, huwag lang mawalan ng trabaho, ngayon ay hindi na umano ito uubra bunsod ng malalang paglagapak ng presyo ng langis na labis na nakaapekto sa oil exporters.
Ang krisis sa langis ay resulta ng pagbagsak din ng ekonomiya sa maraming bansa kaya sapul nito ang mga kababayan natin sa maraming bansa. Kung wala nang trabaho ang isang OFW, maraming umaasa sa kanya ang apektado rin ang kabuhayan.
Abala ngayon ang mga politiko natin, lalo si Pangulong Aquino sa pangangampanya sa kanyang “manok” sa pagka-Pangulo na si Mar Roxas at tila hindi inaalintana ang paglaki ng bilang ng Pinoy na nawawalan ng kabuhayan. Sana, hindi maging sagabal ang kasalukuyang kampanya para sa halalan upang matulungan ang marami nating kababayan, partikular ang OFWs na muling magkatrabaho sa sariling bayan. KANTO’T SULOK/NATS TABOY