ANO kaya ang pakiramdam ng isang hepe kapag nalaman niyang matagal na pala siyang isinusuka ng kanyang mga kasamahan, lalo na ng kanyang mga tauhan na napilitan lang makisama sa kanya bilang isang boss?
Noong nakaraang lingoo ay nagkaroon ng reshuffle ang Quezon City Police District at isa sa mga naalis at nailipat ng puwesto itong si dating Masambong Police Station 2 Commander na si Supt. Christian Dela Cruz.
Biglaan ang nasabing reshuffle at agad na isinagawa ang turnover noong araw ng Miyerkules matapos matanggap nitong si Supt. Dela Cruz ang order na nanggaling kay QCPD Director, C/Supt. Edgar Tinio.
Nakasaad sa nasabing order na itong si Supt. Dela Cruz ay malilipat ng Galas Police Station 11 kapalit ni Supt. Michael Macapagal na mapupunta naman ng DID sa Kampo Karingal.
Sa tuwa ng mga pulis na naka-assign sa Masambong Police Station 2 na napalitan na ang kanilang hepe ay nagdiwang ang mga ito, at nung gabi ay daig pa ang bagong taon sa dami ng fireworks na sinindihan. Nagpa-catering pa talaga ang mga pulis dahil sa katuwaan.
Ito pa ang masaklap, ni hindi man lang ipinag-drive si Dela Cruz sa kanyang pagpunta sa Galas Police Station 11 kaya mag-isa itong umalis.
Kaya naman pala mag-isa lang itong pumunta ng QCPD galing ng Manila Police District o MPD dahil wala palang may gustong sumama sa kanya.
Kung anong saya ng mga taga-Masambong Police Station 2 sa pag-alis ng kanilang hepe ay para namang napaaga ang mahal na araw at pagbubuhat ng krus ng mga pulis sa Galas Police station 11.
Sabi ko nga sa mga pulis ng Galas, pagtiisan na lang muna nila at pakisamahan itong si Dela Cruz total hindi naman siya habambuhay diyan.
Sinasabing isa-isa na raw na naghahanap ng padrino ang mga pulis sa Galas para makalipat ng istasyon o unit na pwedeng kumupkop sa kanila.
Hmmmm, para namang nakatatakot ‘pag ganito ang hepe mo. Ano kaya ang ugali nitong si Dela Cruz para ayawan ng kanyang kapwa pulis maliban sa pagiging maramot daw nito sa kanyang tao?
Kung inyo pong natatandaan, noong anniversary ng QCPD ay itong si Col. Dela Cruz ang napiling Station commander of the year kaya ang daming pumalag na opisyal. Saan ka naman nakakita na 4 na buwan pa lang siya sa QCPD tapos siya agad ang station commander of the year?
Wow, ganun kalakas itong si Col. Dela Cruz sa mga barangay chairman na sakop ng Masambong Police Station 2 para iendorso sa pamunuan ng QCPD para maging station commander of the year.
May tsismis pang nakarating sa Lily’s Files na pinag-sisihan daw ng mga barangay chairman na nag-indorso rito kay Dela Cruz para maging station commander of the year dahil hindi naman daw pala ito deserving.
Biro nga ng mga pulis sa Karingal, si Dela Cruz daw ay sobra kung makadikit kay Gen. Tinio kaya kung tawagin nila ito ay ADMO at “AID.”
Walang letrang E sa dulo. Kulang na nga lang daw na bumili ito ng lubid para hindi mahiwalay rito kay Gen. Tinio.
***
Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo, suhestyon at komento, mag-text lang po sa 09219787042. LILY’S FILES/LILY REYES