DAANG-LIBONG mga plaka ng sasakyan ang naipit sa pantalan ayon sa Bureau of Customs (BoC) na nakatakdang isubasta dahil daw sa hindi pagbabayad ng buwis.
Marahil isa ito sa itinuturong dahilan ngayon ng Land Transportation Office (LTO) kaya hanggang sa ngayon ay walang bagong plaka na naibibigay kahit matagal nang bayad ang mga may-ari ng sasakyan.
Pero bukod dito’y pinagbawalan din ng Commission on Audit o COA ang LTO na ituloy ang proyekto na ito. Doon nagsimula ang indultuhan dahil sa kabila ng kautusan na ito ng COA ay itinuloy pa rin ng LTO ang pangingikil este, paniningil pala.
Gaya ng dati, duda ko’y inihahanda na naman siguro ng Malakanyang ang paninisi kay Aling Gloria sa isyu na ito. Ganito kasi madalas ang estilo ng administrasyon na ito tuwing may ganitong uri ng isyu ng kapalpakan tsk tsk tsk.
Paano na ang siningil ng LTO? Paano na ang pera na binayad namin sa LTO? Marapat lamang na ibalik ito sa taumbayan kung tuluyan nang lumabo ang pagbibigay ng bagong plaka bago matapos ang termino ni PNoy.
Isisi na ng Malakanyang kay Aling Gloria kung gusto nila o kaya’y magsisihan sila maghapon sa kapalpakan na ito pero ang mahalaga ay ibalik ang pera na siningil nila sa taumbayan.
Masyado naman kasi ang pagiging magaling ng mga tuta ni PNoy. Matatalino kaya marami silang ideya na gustong ipatupad kahit maabala ang taumbayan. Basta ang mahalaga sa kanila ay masunod ang kanilang layaw o luho sa pamumuno.
* * *
Natatandaan ko, hindi ko ito malilimutan! Mula nang umupo itong si PNoy ay pulos kapalpakan na itong LTO. Isa ang opisina na ito sa maraming ahensiya ng gobyerno na sumalto nang paulit-paulit na, pabalik-pabalik pa.
Isa rin itong BoC na ito na ilang ulit na rin sumalto sa pananaw ng marami nating kababayan tulad na lamang ng panggigipit sa mga bagahe ng OFWs kamakailan at ngayo’y ang bagong TABS o Terminal Appointment Booking System.
Ang lahat ng ito ay sa ilalim ng liderato ni PNoy. Maging ang tanggapan mismo ng Department of Transportation and Communication o DOTC kung saan sangay nito ang LTO at maging ang palpak na operasyon ng Metro Rail Transit (MRT).
Taumbayan… tiis-tiis na lang kaunting panahon! Nalalapit nang magpaalam sa kanyang trono ang nagmamagaling na diktador mula sa Malakanyang. Sila ang magaling ngayon, sila ang tama… ewan ko lang ‘pag wala na sila sa trono.
***
Para sa komento o sumbong: eksperto71@gmail.com EKSPERTO/JOIE O. SINOCRUZ, PhD

