IMPORTANTE kay Mayor Rody Duterte, pambatong Presidente ng PDP-Laban ang kapakanan ng mga kababaihan sa bansa.
Para sa kaalaman ng lahat, si Duterte ang isa sa mga kauna-unahang mayor na nag-apruba ng Women’s Code sa buong bansa, na kung saan inaalalayan at inaalagaan ng pamahalaang Lungsod ng Davao ang kapakanan ng kanilang mga babaeng residente.
Malinaw ang agenda ni Duterte sa paggawa at pagpapatupad ng naturang batas dahil binibigyang halaga nito ang estado ng kababaihang sektor sa lipunan na kung saan sila ang nakararami.
Sa ordinansa na ginawa noong 1997, isinasaad dito na 30 porsyento ng makukuhang pondo ng Davao buhat sa tulong galing sa ibang bansa, NGO na lokal o international, ay ibibigay sa kababaihan para magamit sa pagpapalakas at pagpapaunlad ng kanilang hanay.
Sinasabi rin sa naturang ordinansa, na isa sa mga pangunahing batas na iniimplementa ni Duterte, ang pag-aatas na kailangang kasali ang sektor ng kababaihan sa lahat ng isinasagawang pagpaplano at desisyon ng lokal na pamahalaan.
Kitang-kita rin ang pagmamahal ni Duterte sa naturang hanay dahil mahigpit na itinatagubilin ng naturang batas ang pagtatanggal ng diskriminasyon at bias sa sektor ng kababaihan.
Nito lamang nakaraang Sabado (Febrero 27), pinahalagahan na naman ni Digong ang mga kababaihan matapos niyang harapin ang mga taga-Mindanao na lider ng naturang sektor na kung saan nagkaroon sila ng kasunduan.
Kabilang sa mga agreement na napagkaisahan nina Duterte at ng may 400 kababaihang buhat sa iba’t ibang panig ng Mindanao ang pagbibigay ng pantay at sapat na suporta sa edukasyon ng kababaihang sektor, pagbibigay ng pantay na oportunidad sa pagbibigay ng trabaho, pagtitiyak na mabibigyan ng tama at abot-kamay na heatlh services sa kanilang hanay at pagpapalakas ng 4Ps na kung saan tutugon ito sa kapakanan ng bawat ina sa kanayunan man o kalunsuran.
Ayon kay Gabriela party-list Rep. Luz Ilagan, kilalang lider kababaihan sa bansa, na dumalo sa nasabing pagtitipon, kilalang-kilala niya si Digong na malapit sa sektor ng kababaihan dahil palagian nitong tinutulungan at tinututukan ang kahalagahan ng partisipasyon ng kanilang sektor sa bawat desisyon ng lokal na pamahalaan.
Bukod sa konsultasyon, lagi ring una sa listahan ng mayor ang pag-aaruga sa naturang sektor, lalo na sa pagbibigay proteksyon sa mga ito.
Sa kwento ni Sara, anak ni Digong, ayaw na ayaw ng kanyang ama na sinasaktan ang mga kababaihan dahil malaki ang utang na loob nating lahat sa ating mga ina.
Ganyan kamahal at iginagalang ni Duterte ang mga kababaihan kaya saan pa tayo pupunta kung hindi roon na sa taong may tapang at malasakit para sa lahat ng sektor ng lipunan, na ang tanging hangad ay ibangon ang ating bayan. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO