HINDI maitatanggi ng pamahalaan ni Pangulong Benigno Aquino III na kahit saang sulok ng Pilipinas ay talamak ang bentahan at paggamit ng droga.
Kahit mahihirap na halos walang maibili ng pagkain ay nakabibili ng bawal na gamot tulad ng shabu at marijuana.
Mas pinipili pa ng ilang mahihirap na bumili ng droga kaysa bumili ng pagkain sapagkat katwiran ng mga ito na nakalilimutan umano nila ang gutom at ang katotohanan na mahihirap sila.
Mas ginugusto ng mga ito na magnakaw o gumawa ng masama kumita lang ng perang pambili ng droga dahil nakalilimutan nila ang estado nila sa buhay.
Iyan ang klase ng mentalidad ng tao na dapat sana’y ginagawaan ng paraan ng pamahalaan na maayos at magamot.
Dapat sana’y may institusyon ang pamahalaan na magkakalinga sa mahihirap na lulong sa droga. Dito sa Pilipinas, tanging mayayaman lang ang nakapagpapagamot sa drug rehabilitation center na pribado. Kailangan kasing gumugol ng libo-libong piso ang pamilya bago gumaling ang pasyente.
May mangilan-ngilang drug rehabilitation center na pinangangasiwaan ng gobyerno pero limitado ang pondo kaya ang mga naipapasok na magpapagamot ay kailangang may malakas na backer gaya nina mayor, kongresman at general.
Kailangan ding may perang panggastos ang pamilya dahil hindi naman totally na libre ang pagpapagamot sa pampublikong drug rehabilitation centers. Gagastos din ang pamilya ng libo-libong piso bawat buwan. Kaya naman kapag kinakapos na ng pambayad ay nailalabas na rin ang pasyente bagaman hindi pa magaling.
Bakit nga ba hindi pag-ukulan ng pansin ng pamahalaan ang pagtulong sa mga mahihirap na lulong sa droga? Batid ng gobyerno na isang dahilan kung bakit mataas ang bilang ng krimen ay dahil sa droga. Pero ano ang dahilan kung bakit hindi gumagawa ng hakbang upang supilin ito.
Kasi, may mga opisyal na sangkot sa pagpapasok ng droga sa bansa at may nakikinabang namang iba sa mga payolang iniaabot sa kanila ng mga sindikato.
Handa ang karamihan sa mga nakikinabang sa droga na nasa pamahalaan na maging bulag, pipi at bingi kapalit ng pakinabang na kanilang tinatamasa.
Kailan kaya kikilos ang pamahalaan upang sugpuin ang droga? Kapag mismong kapamilya na nila ang biktima ng droga? O kapag may nasawi o nasaktan sa pamilya nila bunga ng pagwawala ng isang taong nasa impluwensiya ng droga? PAKUROT/LEA BOTONES
