WALANG pwedeng sisihin si Sen. Alan Peter Cayetano kundi ang kanyang sarili kung patuloy na mawala ang interes ng tao sa kanya.
Hindi iilan ang nakapuna na masyado siyang agresibo at parang hindi opisyal ng gobyerno sa vice presidential debate sa UST noong Linggo.
Pumabor naman ito kay Sen. Bongbong Marcos dahil lalong dumami ang nakisisimpatya sa kanya.
Para sa maraming tao, si Cayetano ay hipokrito sa pag-arte na kalaban siya ng katiwalian, na parang taong walang bahid-dungis at hindi nakagawa ng mali.
Hindi lihim na isa siya sa anim na senador na tumanggap ng pondo noong 2011 sa pamamagitan ng Disbursement Acceleration Program (DAP) na idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema.
* * *
Hindi ko gusto ang istratehiya ni Cayetano na kondenahin ang kanyang mga kalaban upang hatakin sila pababa habang itinutulak naman ang kanyang sarili pataas para palabasin na mas malinis siya sa iba.
Tinatawag itong utak talangka o crab mentality.
Mabuti na lang at propesyonal ang ibang kandidato na hindi bumaba sa lebel ni Cayetano sa pagbabato sa kanya ng putik, sa mga isyu niya sa DAP bilang senador, sa PDAF list ni Janet Napoles bilang kongresista, at ang overpriced umanong multicabs sa Taguig.
Halatang nairita si Cayetano na nag-astang iniwan ng boyfriend sa pahayag ni Marcos sa sinabi ni Duterte na kung magbibitiw si Digong bilang pangulo kapag nanalo ito, ang gusto niya’y si Bongbong ang humalili. Akala ko pa naman ay tapos na ang love triangle nila.
Hanggang ngayon ay hindi pa ako nakapagdedesisyon kung sino ang ibobotong presidente at bise presidente. Parang mahirap mamili. Pero dahil sa ipinakita ni Cayetano, tanggal na siya sa pagpipilian kong mga kandidato.
* * *
Marami ang naniniwala na sa ilalim ng pamunuang Duterte-Cayetano, ang pangako na mawawala ang krimen sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan ay maaaring mabahiran ng pang-aabuso sa karapatang pantao. Nangako rin ang dalawa na magre-resign sila kapag hindi naging matagumpay ang kanilang plano.
Sakaling hindi nila matupad ang pangako, marami rin ang naniniwala na hindi sila bababa sa puwesto. Maaaring paulanan lang nila ng paghingi ng paumanhin ang mga mamamayan.
Habang umani si Cayetano ng galit sa social media, marami rin ang nangantiyaw at tumuligsa kay Bongbong dahil sa mga inaakalang kalabisan ng Pamilya Marcos sa 20-taon na pamumuno ng kanyang ama.
Sa tweet ni Dwayne Muyuela ay kanyang naibigay ang buod ng pambabatikos ni Cayetano kay Bongbong: “It must be hard to be a Marcos but it sucks to be a Cayetano.”
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.
