BAGUHAN sa larangan ng pagnenegosyo, hindi alam ng isang negosyante sa Pasay na kahit isinarado na ang negosyo ay may mga dokumento pa pala na dapat siyang isumite sa Bureau of Internal Revenue.
Kaya nang magbukas ng isang bagong business ay sandamakmak na “open cases” ang kanyang inabot.
Dahil desidido si “taxpayer” na ayusin ang kanyang problema para makakuha ng Tax Clearance ay nagpursige ito na mabayaran lahat bilang pagsunod sa batas sa buwis.
Subalit pagdating sa BIR-Pasay ay hindi man lamang ito binigyan ng kasalukuyang patnubay sa mga dapat gawin.
Dahil wala ngang alam sa paghahanda ng mga BIR document kaya lupaypay si taxpayer” sa paulit-ulit at pabalik-balik na proseso ng BIR.
Ayon sa ating tawiwit, sinasadya umano ito ng mga taga-BIR-Pasay upang kung hilahod na si taxpayer at gustong mapabilis ang proseso ay mapipilitan na itong makipag-usap sa taga-BIR upang sila na ang bahala sa mga dokumento!
‘Yan ang sinasabi ko, Commissioner Kim Jacinto Henares, na wala ring kabuluhan ‘yang pagpupursige mo na mapataas ang koleksyon ng buwis.
Dahil hindi mo naisalaksak sa utak ng ilan mong tauhan na bahagi ng “tax campaign” ay ang pagiging friendly and accommodating nila sa bawat taxpayer upang maibigay ang kaukulang assistance para mapadali at hindi hilahod ang nagbabayad ng buwis!
Panay kayo paalala sa taumbayan na asikasuhin ang pagbabayad ng buwis pero hindi naman pala kayo handa sa pagbibigay ng assistance sa mga tumutupad sa batas!
Alam mo ba, Commissioner Henares, na habang hilahod ang mga nag-aasikaso ng kanilang mga bayarin sa BIR-Pasay ay mistulang reyna at prinsipe naman ang iyong mga empleyado’t empleyada?
Baka nakalimutan ng mga tauhan mo na ‘yang mga hilahod sa paghahanda ng mga dokumento at hindi man lang nila binibigyan ng assistance ay riyan nanggagaling ang kanilang mga sahod!
Kung hindi ka masyadong abala, Commissioner, sa kakukumbinse na magbayad ng buwis, eh, baka pwede mong silipin ang problemang ito!
Bukas, parekoy, ay atin namang hihimayin ang mistulang sabwatan sa pagitan ng BIR- Pasay at ilang taga-Landbank upang pahirapan lalo ang mga nagbabayad ng buwis!