PANGALAN, mga address o at bansang pinupuntahan o kinaroroonan, civil status, edad, mga pangalan ng asawa, magulang, anak at iba pa.
Passport number, tax information number, Social Security System ID number, Postal ID Number, Government Service Insurance System ID Number, Driver’s License at iba pa.
Ito ang mga impormasyon ukol sa 54-milyong botante na nakuha ng mga hacker mula sa Commission on Elections kaugnay ng halalang 2016.
KRIMEN KAHIT SAAN
Dahil sa kumpletong impormasyon ukol sa bawat isa sa mga botante, malaki ang posibilidad umanong maging biktima ang mga ito ng sari-saring krimen.
Lalo na kung iisipin na kung saan-saan na lang nai-upload o naipasok na website ang mga impormasyong ito.
Kahit sino, kahit saan sa mundo, pupwede nang makilala ang mga Filipinong botante at igawan ng krimen.
Kahit sinong kriminal, kahit dayuhan, kahit saan din, pupwede ring maminsala sa mga Filipinong botante.
BUONG PAMILYA
Pero hindi lang ang mga botante, mga Bro, ang mapipinsala o mamiminsala.
Damay lahat pati ang mga pamilya ng mga botante: mula bata hanggang matanda, babae, lalaki at iba pa.
Kapag pinatay mo ang isang botante, hindi ba damay ang buong pamilya?
Damay rin siyempre ang mga kapitbahay, barangay, munisipyo, lungsod at lalawigan.
Hindi rin masasabi ma-ging ang mga nasa Palasyo ng Malakanyang, nasa Kongreso, nasa hudikatura, nasa pulisya at military na ligtas sila dahil kasama sila sa mga na-hackan ng impormasyon at ini-publish sa website at internet na maaari ring pulutin ng mga pahayagan, radio, telebisyon at mga criminal.
CYBER CRIME
Pupwedeng igawan ng cyber crime ang mga botante.
Kabilang sa mga cybercrime ang paninira o libelo, pagnanakaw ng mga salapi na padala papasok o palabas ng Pilipinas, identity theft na paglalagay ng katauhan ng ibang tao sa mismong katauhan ng mga botante at pandaraya sa overseas voting ng mga overseas Filipino worker.
Pupwedeng magkaroon ng human trafficking o pagbibiyahe ng mga Filipino sa loob at labas ng bansa para lang gawing alipin o prostitute ang mga ito.
Pupwede ring pagmulan ng mga pangongotong ng mga lokal at internasyonal na kriminal, lalo’t kasama rin sa mga impormasyon ang telephone number at e-mail address.
Pupwede ring gawing magmukhang Filipino ang mga drug trafficker at te-ro-rista na dayuhan kaya maaaring lalong lalala ang droga at terorismo sa bansa.
DELIKADO SA ABROAD
Magiging kawawa ang mga umaasang pamilyang Filipino sa mga padala ng kanilang mga kaanak ng OFW dahil pupwedeng nakawin ng iba ang mga padala.
Pupwede ring hanapin at patayin ang mga OFW dahil malalaman kung saan matatagpuan at nagtatrabaho ang mga ito.
Maging ang mga may sensitibong trabahong Filipino sa ibang bansa gaya ng mga diplomat at intelligence officers ng gobyerno ay makikilala rin at pupwedeng subaybayan ng iba saka pagpapatayin o paralisahin.
At sa pagsukol sa mga Pinoy na ito ng mga kriminal, maaaring madamay ang mga pamilya ng mga ito, maging ang mismong seguridad ng pamahalaan at bansa.
Maaari ring masira ang mga programa ng pamahalaan para sa mga OFW sa pagkakaroon ng mga pekeng impormasyon at pekeng tao na lilikhain ng mga kriminal.
PEKENG ELEKSYON
Maaaring mapagpapalitan ang lahat ng datos sa botohan sa halalang 2016.
Dahil nalaman ng mga hacker ang katauhan ng mga botante, pupwede nilang pakialaman ang boto ng mga ito.
At dahil sa naha-hack mismo ang website ng Commission on Elections, kasama ang mail.malaca-nang.gov.ph na server ng Malakanyang, pupwede talagang pakialaman ng mga kriminal at mandaraya ang resulta ng halalan.
At maaaring maganap ang mga pandaraya sa mga padala o transmittal ng mga resulta ng halalan mula sa mga presinto hanggang sa central server ng Commission on Elections.
Pupwede ring ganap na mabago ang resulta ng halalan pabor sa mga kakampi ng mga mandarayang politiko at mga dayuhang nakikialam sa pulitika ng Pilipinas.
Ang hindi gusto ng tao na mga lider ay maaaring magiging landslide ang panalo sa halalan.
SILA ULIT
Alam ba ninyong pupwedeng tuloy-tuloy sina Pangulong Noynoy sa paghawak ng poder?
Magaganap ito kung magiging magulo ang resulta ng halalan dahil sa pandaraya sa boto gamit ang hacking sa lahat ng rekord ng Comelec, kasama na ang resulta ng halalan.
Dahil sa matinding pandaraya, mga Bro, pupwedeng magkagulo.
Simple lang naman ang gagawin ng mga nasa poder: Magpapairal sila ng kamay na bakal gaya ng pagdedeklara ng state of emergency o suspension ng habeas corpus o martial law at tuloy ang kanilang ligaya sa poder.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA