LALONG nagsiklab ang halos walang-katapusang pagiging magkaribal nina Liberal Party standard-bearer Mar Roxas at Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa pampanguluhang debate sa Pangasinan noong Linggo.
Habang binabanggit ni Roxas ang mga benepisyo na natanggap mula sa gobyerno ng mga mamamayang naninirahan sa lalawigan, sumabat si Duterte sa pagsasabing ang mga taga-Davao ay walang natanggap mula sa PhilHealth.
Kaya naghamon si Roxas at nagpahayag na dapat umatras si Duterte sa pagkandidato kung mapatutunayan ng dating kalihim ng DILG na ang mga residente ng Davao City ay nakatanggap ng benepisyo mula sa PhilHealth.
Noong Lunes ay muling naghamon si Roxas matapos ipadala kay Duterte ang datos mula PhilHealth na nagsasabing ang Davao City ay nakatanggap ng P2.8-bilyon halaga ng PhilHealth reimbursements.
Nais ni Roxas na magpakalalaki ang matapang na si Duterte at iatras ang kandidatura nito.
Gayunman, napuna ng mga tao na mukhang hindi matatanggap ni Duterte ang katotohanan maliban na lang kung sumasang-ayon ito sa kanyang mga pahayag o paniniwala.
Akalain ninyong sa kabila ng ebidensiya mula PhilHealth, ang sabi ni Duterte ay wala itong katotohanan at lumalabas na wala siyang paniniwalaang iba pa.
* * *
Ang gobyerno ng Singapore ay nakaladkad sa ating eksenang pampulitika dahil sa pekeng mensahe na nai-post sa social media.
Nailagay sa Facebook na inendorso umano ni Singapore Prime Minister Lee Hsien Loong ang kandidatura ni Duterte para pangulo.
Sa naturang post ay ipinakita ang larawan ng Prime Minister na may caption na nagsasabing si Duterte ang tanging kandidato para pangulo na pwedeng gawin na parang Singapore ang Pilipinas.
Itinanggi ng Embahada ng Singapore na inendorso ng kanilang Prime Minister ang sinumang kandidato para pangulo at sinabing ang post ay maliwanag na nakapanlilinlang.
Idinagdag pa nito na mga Pilipino lamang ang pwedeng mamili ng kanilang pangulo. Pero ano pa ba ang bago? Hindi ito ang unang pagkakataon na may naulat na personalidad na nag-endorso umano kay Duterte na napatunayang hindi totoo.
Kung inyong maaalala, maging si Pope Francis ay nakaladkad sa isyu nang maulat na inendorso niya si Duterte. Pero itinanggi ito ng mga bumubuo ng pagbisita ng Papa.
Nais malaman ng publiko kung sino ang nasa likod ng mga pekeng pag-eendorso. Bakit kailangang kaladkarin ang mga personalidad sa isyu nang hindi nila nalalaman samantalang maganda ang mga resulta ng survey para kay Duterte?
O baka may mga tao sa paligid ni Duterte na hindi nakatitiyak sa kanyang panalo sa kabila nito.
oOo
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.