MAKARAAN ang welcome news sa pagpapalaya sa limang pulis na binihag ng New People’s Army sa Paquibato, Davao City, sinundan naman ito ng karumal-dumal na balita sa pagpugot ng ulo ng isa sa foreign hostages ng Abu Sayyaf group sa Sulu.
Sumunod pa ang pag-release ng isang Army soldier na prisoner of war ng NPA sa tulong din ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
‘Di maiiwasan ang mga kuro-kuro na maaaring may magawa si Duterte para masagip sa bingit ng kamatayan ang ilan pang dayuhan na bihag ng ASG. Kay Duterte pinaraan ng NPA ang pagpapalaya ng limang pulis.
Madaling sabihin na sana’y mangyari ito ngunit mahirap isagawa. The NPA and the ASG are two completely different animals. Iba ang ipinaglalaban ng NPA at iba ang motibo ng ASG sa kanilang pagdukot ng mga bihag.
Sa puntong ito, isang bagay lang ang nais kong punahin at bigyang-diin: lumilitaw na paglakas ng pwersa at paglawak ng operasyon ng ASG.
Sinasabing ang grupo ng bandido ay nagmula sa mga splinter group ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), ang revolutionary movement sa Muslim Mindanao.
Ngayon, sa pagkabigo ng pagsasabatas ng Bangsamoro Basic Law, may mga ulat na may mga miyembro ng MILF ang sumama na sa ASG na suportado ng Al Qaeda. Nitong huli may mga ulat na may ugnayan na rin ang ASG sa Islamic State movement.
Naipakita ng ASG ang lakas ng puwersa nito sa ilang engkwentro kung saan maraming sundalo ang napaslang.
Kamakailan, 18 sundalo ang namasaker ng ASG sa tangkang pag-rescue sa apat na hostages nito sa Basilan.
Naglunsad ng pursuit operation ang Armed Forces kung saan mahigit 30 ASG fighters ang napatay ngunit hindi nailigtas ang mga bihag na dayuhan.
Hanggang sa sumapit ang pagpugot ng ulo sa Canadian hostage, walang malinaw na tinutukoy ang administrasyong Noynoy Aquino kung paano pananagutin ang ASG.
o0o
Welcome po ang inyong reaksiyon, opinyon at reklamo. I-email po sa etulfo2011@yahoo.com o bisitahin nyo kami sa Erwin Tulfo Action Center sa 2nd Floor, Quedsa Plaza, Quezon Ave. cor. EDSA, Quezon City, 9am-4pm Monday-Friday. DEADSHOT/ERWIN TULFO
