AY naku, ano itong kalokohang kumakalat sa social media at maging sa internet na gusto raw paatrasin ng halatang maka-Mar Roxas si Sen. Grace Poe upang masiguro raw ang panalo nito sa May 9, 2016 (Lunes).
Ano kaya ang pumasok sa mga kukote ng mga desperadong ito at gusto nilang paatrasin si Grace Poe upang maalis daw ang tinik na nakabara sa kanilang mga lalamunan at magapi nila ang strongman ng Davao City na si Mayor Digong Duterte?
Ang tanong, bakit nga ba kailangan pa nilang paatrasin si Poe? E, bakit hindi na lang si Mar Roxas ang umatras gaya ng ginawa niya noong 2010 tutal lagi naman siyang kulelat?
Kahit anong gawin nilang pagmamaniobra sa mga survey para umangat, patuloy pa rin siyang isinusuka ng sambayanan dahil sa mga kapalpakan niya sa iba’t ibang ahensyang hinawakan niya.
Hindi ba’t pinabulaanan pa mismo ng mga taga-call center agency na hindi si Mar Roxas ang dahilan kung bakit lumaki ang industriyang ito?
Kumbaga ay inaangkin lang niya ito dahil noong panahon na ‘yon, siya ‘yung kalihim ng DOTC.
Kung talagang magaling na lider si Mar, bakit hanggang ngayon ay nagtatanong ang mga nasalanta ng Yolanda kung kanino raw bulsa ng mga taga-administrasyon napunta ang bilyon-bilyong donasyon para sa mga nasalanta?
Si Mar din daw ang dahilan kung bakit hanggang ngayon hindi pa rin nanunumbalik ang magandang buhay ng mga nasalanta ni Yolanda!
Bakit kailangan pang paatrasin ang kumakatawan sa isang ispesipikong bahagi ng ating lipunan na inaapi rin at pinababayaan ang mga napulot at ampon na gaya ni Grace Poe?
‘Di ba simula’t sapul pa lamang ay alam na ng sambayanan na hindi mananalo si Mar Roxas dahil bukod sa mahinang klase siyang lider ay natatakot din ang taumbayan na kapag si Mar ang manalo ay baka ipagpapatuloy lang niya ang “Daang Matuwid” na wala namang naituwid?
Hehehehe.
Ang matindi pa rito, gusto pa ni Mar Roxas ay magsanib daw sila ng puwersa ni Poe para lang talunin ang nangungunang presidentiable candidate na si Duterte.
Aysus, ginoo!!! Kung ako kay Poe; ituloy niya ang laban, ‘di ba Comelec Chair Andy Bautista?
oOo
Anomang puna o reklamo i-text sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA

