IKINALUGOD ni Kalihim Rosalinda Dimapilis-Baldoz ng Paggawa at Empleo ang bagong batas sa pangangasiwa ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at kanyang sinabi na ito ay makakatulong sa pagpupunyagi ng pamahalaan na pangalagaan at protektahan ang kapakanan at interes ng mga overseas Filipino worker (OFW).
“Nilagdaan bilang batas ni Pangulo Benigno S. Aquino III ang Republic Act No. 10801 noong 10 Mayo. Lumipas ang mahabang panahon para maipatupad ang bagong OWWA charter na nagtatakda sa pagpapatakbo at pangangasiwa ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Tinatanggap namin ang pagbabagong ito,” ani Baldoz, na nasa Vientiane, Lao PDR upang lumahok sa 24th ASEAN Labour Ministers Meeting.
“Ang bagong batas ay “maagang regalo” ni Pangulo Aquino sa mga OFW sa paggunita ng ika-21 taon ng Migrant Worker’s Day sa 7 Hunyo 2016,” dagdag niya.
Isa nang chartered institution ang OWWA sa itinakdang batas. Bago pa rito, ang OWWA ay pinangangasiwaan batay sa Presidential Decree No. 1694 na nilagdaan ni dating Pangulo Ferdinand E. Marcos noong 1 Mayo 1980. Ito ay inamyendahan ng Presidential Decree No. 1809 noong 16 Enero 1981.
Sinabi ni Baldoz na ang pagpapatupad ng Republic Act No. 10801 ay nagpapatibay sa layunin ng pamahalaan na maabot ang lahat ng OFW saanman at kailanman nila kailanganin ang tulong. Inilalagay rin nito ang OWWA sa mas matatag na katayuan upang ipatupad ang kanilang tungkulin na protektahan at pangalagaan ang mga OFW.
“Mahigit kanino pa man, ang mga miyembrong-OFW at ang kanilang pamilya ang dapat malugod sa pagbabagong ito,” aniya.
Sinabi ni OWWA Administrator Rebecca J. Calzado na sinusuportahan ng mga kawani ng OWWA ang bagong OWWA charter dahil ito ang nagpapatibay sa operasyon ng ahensiya.
“Sa pagbibigay ng pamahalaan sa OWWA ng regular budget para sa operation at personal services, ang trust fund ng OFW ay maitutuon na ng OWWA para lamang sa implementasyon ng programa at serbisyo para sa kagalingan ng mga miyembro at pamilya nito,” aniya.
Ipinangako ni Calzado na magpapatupad sila ng mga bagong programa sa bagong batas.
Kasabay nito ang pagpapalakas ng mga kasalukuyang programa at serbisyo, tulad ng death, disability, and dismemberment benefit; repatriation assistance; scholarships, skills training and skills upgrading program, at pre-departure assistance.
Sinabi niya na nakasaad sa bagong batas ang reintegration program bilang core program ng OWWA, at inilalagay ang National Reintegration Center for OFWs (NRCO) sa ilalim ng pamamahala ng OWWA para sa policy and program coordination. ANG INYONG LINGKOD/HILDA ONG
