SINO ang mag-aakalang sa loob lang ng dalawang linggo matapos ang halalang 2016 ay biglang bumalimbing ang maraming kasapi ng Liberal Party?
Parang sakay ng bulok na MRT-3 ang mga KKK nina PNoy at Mar Roxas sa Kamara na bigla na lang nagsilipatan sa tren nina Mayor President Digong Duterte na pinangungunahan ng partidong PDP-Laban.
Tuluyan nang nadiskaril ang tren ng mga taga-Liberal nang mag-isyu ng manifesto ang marami sa mga liberal na kumikilala sa liderato ni Digong at sa binasbasan nitong si Cong. Pantaleon Alvarez bilang Speaker of the House.
Biglang naglaho ang tiyansa ni Speaker Sonny Belmonte na manatili sa kanyang puwesto.
TUWID NA DAAN
Sa paglipat ng mga taga-Liberal sa kampo nina Mayor President Digong, ang kauna-unahang biktima ay ang ipinangangalandakan nina PNoy at Roxas na Tuwid na Daan.
Nang madaliang nagsilipatan ang mga taga-Liberal sa kanilang kalaban, anak ng tokwa, nangangahulugan na walang bilib ang mga ito sa Tuwid na Daan.
Ang Tuwid na Daan kasi, sa pagpipiktyur ni Roxas, ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng pamahalaang disente, walang magnanakaw at iba pa.
Kabalbalan lang pala ang lahat ng ito. Ang biglang paglayas ng mga taga-Liberal sa kanilang pamahalaan o grupo ay palatandaan na walang disente at puno ng magnanakaw ang pinanggalingan nilang Tuwid na Daan.
KAWAWANG PNOY AT ROXAS
Habang palapit nang palapit ang paglayas nina PNoy at Roxas sa Malakanyang, sinasabi ng mga itong iiwan nila ang gobyernong malinis, disente at hindi lungga ng mga kawatan.
At idiniriin pa nga ni PNoy na dapat ipagpatuloy ng bagong administrasyon ang kanilang nagawa.
Kasabay nito ang pagmamalaki ng dalawa na wala nang makahihigit sa kanilang mga nagawa.
Pero anak ng tipaklong, ang paglayas ng mga taga-Liberal ay malinaw pa sa sikat ng araw na kabalintuanan lang ang lahat ng mga pinagsasabi ng magkakosang ito.
STATE WITNESS
Sakaling magkaroon ng pagkalkal sa mga kabulukan ng administrasyong Aquino, hindi kaya magmumula sa mga bumalimbing ang magiging state witnesses laban sa dalawa?
Maaari kasing may magkalkal sa suhulan sa impeachment ni namayapa nang Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
Maaari ring may magkalkal sa mga kabulukan sa Land Transportation Office at Department of Transportation and Communications ukol sa mga iskam sa driver’s license, plaka ng sasakyan at MRT-3.
Maaaring may aangal din sa bilyon-bilyong ini-award na mga kontrata sa light railway transit extensions sa Cavite, Bulacan at Cainta.
Maaaring may sisilip din sa paggamit nina PNoy, Roxas at Budget Secretary Butch Abad ng P145-bilyong Disbursement Acceleration Program at P200-bilyong Priority Development Assistance Fund.
Ang buong P900-bilyong pondo para sa Public-Private Partnership ay maaari ring pagsimulan ng mabahong singaw na maaamoy ng darating na administrasyon.
O kayong tatlong itlog sa Tuwid na Daan, maghanda-handa na kayo. Masuwerte kayo kung totohanin ni Mayor Digong ang sinasabi nitong hindi nito ugali ang maghabol ng kanyang mga kalaban sa pulitika, maging ang mga taong nagsabing siya’y isang Hitler o murderer.
CANVASSING NA
Ika-canvass na ang resulta ng botohan para sa Pangulo at Pangalawang Pangulo.
Malinaw na malinaw na panalo si Mayor Digong laban sa pinakamalapit niyang kalaban na si Roxas.
Ang diperensyang nasa anim na milyong boto, hindi lang landslide kundi panglalampaso kay Roxas.
Hindi nga umubra ang pag-panic nito sa huling mga araw nang gusto nitong paatrasin na lang si Sen. Grace Poe para mapasakanya na lang ang boto.
Pero andyan na ‘yan.
BONGBONG VS LENI
Itong laban nina Sen. Bongbong Marcos at Cong. Leni Robredo ang problema. May malakihang dayaan umano na pumabor kay Leni.
Sabi ni Bongbong, parang milagrong biglang umangat at lumampas sa kanya ang score ni Leni makaraang pakialamanan ng Smartmatic ang script ng transparency server ng PPCRV sa Pope Pius XII Center sa Paco, Manila sa gabi ng Mayo 9, 2016.
Nitong nakaraang mga araw naman, may lumutang na grupo ng information techonology na inatasan daw na buksan ang mga pumalyang 30 server ng Comelec at lagyan ng bagong script sa gabi rin ng Mayo 9 o katatapos lang ng halalan.
Bukod sa pagpapadala o transmission ng resulta ng boto, gamit din ang mga server para sa pag-imprenta ng mga certificate of canvass.
Nasa 2.6-milyong boto umano mula sa apat na lalawigan, kabilang na ang Davao del Sur at Pangasinan, ang dala-dala ng mga server na para sa pandaraya.
Kung totoo ito, hindi kaya rito nagmula ang pag-angat ni Robredo kay Marcos at hindi rin kaya kasama ang dinayang COC sa mga ika-canvass ng Kongreso ngayong araw?
Dapat na maimbestigahan nang todo ang mga ito dahil hindi na lang election sabotage ito kundi pambabastos sa taumbayan mismo.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA