NANINIWALA si Caloocan RTC Br. 125, Judge Dionisio Sison na may himala sa likod ng pagpapatupad ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni Caloocan Rep. Oscar Malapitan.
Kaya nagpalabas ito ng TRO upang pigilan si Malapitan at ang DSWD sa pamimigay ng pera sa mahihirap.
Nauna rito, ilang residente ang nagpahayag na kinontak sila ng ilang tauhan ni Malapitan para bigyan ng tig-tatlong libong piso.
Matapos ma-encash ang tseke sa DSWD Batasan, muli silang kinausap ng nasabing mga tauhan ni Malapitan at binawi ang P2,400 sa bawat isa sa kanila. Gaya ng inaasahan, itinanggi ng kampo ni Rep. Oscar Malapitan ang pagbawi ng P2,400, pero aminado ito sa pamamahagi ng pera mula sa kanyang PDAF.
Unang argumento:
Hindi masamang mamigay ng pera sa mahihirap lalo na kung may naganap na kalamidad.
Lalong hindi masama mamigay ng pera kung ito ay sarili mo at ipinamimigay mo ito sa mahihirap nang walang kapalit.
Pero kung mamigay ka ng kahit sarili mong pera, pero ito ay ginawa mo dahil nalalapit na ang halalan, bawal ito!
Dahil aminin mo man o hindi, isa itong uri ng pamimili ng boto!
Maliwanag, parekoy, na walang naganap na kalamidad sa Caloocan para mai-justify ang nasabing pamimigay ng pera.
Bagkus sa darating na May elections ay mahigpit ang laban ng mag-amang Malapitan laban sa mag-amang Echiverri!
Ikalawang argumento:
Sa loob ng maraming taon ni Rep. Oscar Malapitan bilang congressman, bakit ngayon lang namigay ng ganitong halaga para sa mahihirap sa pamamagitan ng DSWD?
Sa totoo lang parekoy, kahit itanggi ng kampon este kampo ni Malapitan ay hindi mapasusubalian na ginagawa ang bagay na ito dahil sa eleksyon.
Ang masakit, “gisa sa sariling mantika” ang tawag dito.
Ang ibang kandidato, sariling pera ang ipinamimigay sa tao para manalo, tutal mababawi rin ang halaga kung makapwesto dahil magnanakaw!
Ikatlo, at higit sa lahat, dapat sigurong paimbestigahan mismo ni Malapitan kung sino sa kanyang mga tauhan ang naghikayat dito sa mga taga Bagong Barrio, na matapos ma-encash ang tsekeng P3,000 ay kinuha ang P2,400!
Sila po Rep. Malapitan ang nagpahamak sa iyo!
O maaari namang ikaw ang nagpahamak sa kanila!
Hak, hak, hak!
