CONGRATULATIONS sa iyong pagbabalik sa Kapitolyo ng Zambales, Governor Amor Deloso! At congratulations lalo na sa mga Zambalenyo na namulat bago lubusang mabura sa mapa ang mayaman na lalawigan ng Zambales.
Una kong nakilala si Governor DELOSO noong kasagsagan ng lahar na lumuwa sa bulkan dulot ng pagsabog ng Mt. Pinatubo. Natoka ako at ang aking grupo sa Zambales sa bisa ng itinatag naming OPLAN: CENTRAL LUZON sa bisa ng emergency programming ng Philippine Broadcasting Service – RADYO NG BAYAN (PBS-RNB).
Nagtayo kami ng sub-stations sa Lubao, Tarlac, Bulacan at Zambales. Ang bawat kasama sa PBS-RNB ay naatasan na tumira ng isang linggo para mag-ulat mismo sa lugar na malalang naapektuhan ng lahar. Kami ay nasa mismong lugar, sa paanan ng Mt. Pinatubo at bawat barangay na nilamon ng lahar.
Sa kapitolyo ng Zambales, hindi mo makikilala si Gov. DELOSO dahil katulad ng mga Zambalenyo na binasa ng malakas na ulan, nalubog sa lahar at pawang mga putikan, ganoon ang hitsura ni DELOSO. Wala siyang sinasayang na oras kaya kaysa interbyuhin, sumama kami sa bawat operasyon.
Matapos ang lahar, gumawa siya ng mga programa patungo sa kaunlaran ng kanyang lalawigan. Nagsumite siya ng mga proyekto sa Malacañan noon, isa ang pagbiyak ng bundok para gumawa ng lansangan mula Zambales hanggang Tarlac.
Ang ganda ng proyekto pero dahil sa pulitika, natigil ito at isinantabi. May pumalit sa kanya ngunit binalewala ito sa kabila na ang unang makikinabang sana ay ang mga Zambalenyo.
Mahal ni DELOSO ang Inang Kalikasan kaya nagsagawa siya ng ordinansa na mangangalaga dapat sa yaman ng Zambales. Pinakialaman muli ito ng pamahalaan at nagpista ang mga minero, mga dayuhan na unti-unting sumira sa ganda ng Zambales.
Sinundan pa ng kanyang kuwestiyunable na pagkatalo, ngayon ay maituturing na nawasak na ang mayamang lalawigan!
Ang masakit, may mga concerned citizen na nanawagan na itigil nang kagyat ang mapanirang paraan ng pagmimina ng mga Chinese mula sa China pero sa halip, lalo pang lumaki ang sakop nila at winasak.
Nagturuan ang DENR-MGB at LGU na may kasalanan pero malinaw, nagsabwatan ang mga punyeta! Malaking pondo halos kada linggo ang dumarating kapwa sa LJU at DENR-MGB. Natural, itatanggi nila ang kanilang kasakiman sa pera at pagbalewala sa Kalikasan. May umamin na bang kriminal sa kanila sala?
Ngayon, sa pagbabalik ni GOVERNOR AMOR DELOSO, nakakita tayo ng pag-asa, ng pagbabago para agad na ituwid ang mga kasalanan ng kanyang pinalitan at parusahan niya ang mga taga-DENR-MGB! BALETODO/ED VERZOLA