UMAANGAL ang maraming OFWs na nagbabakasyon sa bansa dahil sa anila ay bulok at hindi maayos na sistemang ginagamit ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa pag-isyu ng exit clearance.
Ang exit clearance ay ang dokumentong ibinibigay ng POEA sa mga OFW para naman payagan sila ng Bureau of Immigration (BI) na makaalis ng bansa.
Kung iisipin ay simpleng dokumento lang ang exit clearance na pwedeng ibigay ng POEA ng sandali lang.
Pero dahil sa hindi maayos na sistema ng burukrasya ay maraming OFW na ang mala-kalbaryo ang dinaranas bago ito makuha.
Inaabot daw kasi ng maghapon hanggang gabi at kapag minamalas pa ay ilang araw bago ito makukuha ng aplikanteng OFW.
Halimbawa, darating sila ng 6:30 ng umaga sa POEA para makaiwas sa mahabang pila pero dahil 8 am pa ang bukas ay kailangan nilang magtiyaga na pumila muna sa labas.
Ang masakit doon, pagbukas ng tanggapan ay kailangang mag-intay nang matagal bago pa sila maasikaso dahil hindi naman mga empleyado ang makakausap nila kundi mga guwardiya muna.
Kumbaga, nagiging clearinghouse ang mga gwardiya at kung ano ang sasabihin nila ay iyon ang gagawin ng mga aplikante.
Importante ring kumpleto na ang dokumento ng mga aplikante dahil kung hindi ay tiyak na pababalikin ulit sila sa ibang araw at panibagong kalbaryo na naman iyon.
Kamakailan ay sinabi ni POEA Administrator Hans Cacdac na kailangang gumamit na ang mga lisensyadong placement agency ng electronic o online system para sa recruitment ng mga OFW.
Sinabi niyang ang online system ang tamang paraan ng recruitment dahil mas magiging maayos, mabilis at transparent ang proseso.
Nakatatawa naman si Cacdac dahil alam naman pala niya na ang online system ang tamang paraan. Bakit hindi niya ito gawin sa POEA para naman mabawasan na ang kalbaryo ng OFW?
Mabuti sigurong unahin na muna ni Cacdac na gawing online ang sistema ng releasing ng exit permit para naman guminhawa na ang buhay ng mga kababayang OFW at hindi na nila isumpa ang pagbabakasyon sa bansa.
Ang problema kasi sa ilang opisyal natin, ayaw nila nang pagbabago dahil mawawalan ng kita ang iba sa kanila. OPEN LINE/BOBBY RICOHERMOSO