SI Pangulong Aquino, tulad ng sinomang nakalipas na punong-ehekutibo, ay laging maaalala bilang Presidente – at bibigyan ng karampatang respeto habang suot ang dilaw na T-shirt na may hawak na sigarilyo pareho nang magsalita siya na nakabarong at nagtatalumpati.
Tatawagin siyang “Mr. President” kahit makalipas ang Hunyo 30, gagalangin at bibigyan ng espesyal na pagtrato saanmang lugar siya magpunta bilang pribadong mamamayan.
Pero ang isang bagay na kailangang tiisin ni Ginoong Aquino pag-alis niya sa Malacañan ay ang pagmamaneho sa animo’y pagong sa bagal na trapiko: bawat segundo ng minuto na aabot sa mga oras na hindi gumagalaw ay hindi matatakasan.
At sa bawat pagkakataon, magbabalik sa kanyang alaala ang mga araw na humahagibis ang highway patrol at PSG sa EDSA sa rush hour upang madaliang makarating ang kanyang kotse sa Malacañan.
Ang pakinabang ng hindi nahuhuli dahil sa “speeding” pagkalagpas sa pulang traffic light at pagmamaneho sa salungat na daanan upang hindi mahuli sa tagpuan ay matatamasa ng susunod na Pangulo.
Kapag nangyari ito, tiyak na hindi siya sasandal lang at mag-iisip kung gaano kagrabe ang trapiko noong simpleng alkalde pa lang siya.
Ngayon pa lang, kumakatok na ang Firing Line sa bintana ng kotse ng susunod na Pangulo upang ipaalala sa kanya na pabuntutin sa Malacañan ang mga pagod at pawisang imahe ng masa na nagmaneho at sumakay sa tabi ng kanyang sasakyan sa motorcade ng kampanya.
Sa kasalukuyang panahon, ang pagsisikip ng trapiko ay hindi lang problemang lokal kundi isang matinding perwisyo na nakaaapekto sa negosyo, kalakalan, gobyerno at pampublikong gawain sa kabuuan.
Tulad nang sinabi ko sa pitak na ito mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas, ang pangangasiwa sa trapiko ay hindi maaaring konseptong lokal na may nakalilitong daan ang nakapalibot sa mga lungsod, malaki man o maliit, at mga bayang produktibo man o hindi.
Nagkaroon na ng ‘di mabilang na pag-aaral kung paano mapagagaan ang problema sa trapiko at toneladang mungkahi mula sa motorista, kapulisan, negosyante at ibang non-government association na nakadikit sa Malacañan.
Lahat ng ito’y naghahandog ng makatwiran at makatotohanang programa sa trapiko na sa kasamaang-palad ay nakaligtaan.
Para sa susunod na Pangulo, na batid naman kung sino siya, ay may hamon ako: kalasin ang Gordian knot sa mga lungsod – sa Maynila man, Cebu o Davao – isang responsibilidad na napabayaan sa gitna ng lansangan sa matagal na panahon, naghihintay sa may kakayahang magpakita kung ano ang magagawa ng opisyal na may political will.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.