SIMULA 12:01 P.M. sa Hunyo 30, si Vice-Mayor-elect Ma. Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan na ang bise-alkalde ng Lungsod ng Maynila, ang kabisera ng Republika ng Pilipinas.
Tapos na ang termino ni Isko Moreno Domagoso. Hindi na rin siya opisyal ng pamahalaan dahil hindi nanalong senador.
Pero, hindi dapat tulugan ng Office of the Ombudsman ang kaso niyang korapsyon, sapagkat interes ng publiko, partikular ang mga Manilenyo, ang nakasalalay rito.
Ngayong si Lacuna-Pangan na ang bise-alkalde ng Maynila, umaasa ang mga Manilenyo na solidong makatutuwang ito ni Mayor Joseph “Erap” Estrada sa pagkakamit ng tunay na pag-unlad at pagsulong ng ekonomiya ng Maynila.
At habang katuwang siya ni Estrada, dapat huwag matakot at balewalain ng Sangguniang Panglungsod sa pangunguna ni Lacuna-Pangan na imbestigahan ang mga opisyal na abusado sa kapangyarihan o pinagkakaperahan ang kanilang puwesto.
Ang nakararating na impormasyon sa akin ay ang mga departamentong nag-aasikaso sa vendor at basura ang sakit ng ulo ni Mayor Estrada, sapagkat hindi nagagampanan ng dalawang ito ang kanilang trabaho nang buong sipag at husay.
Kung talagang mahal nina Dennis Alcoreza at Arsenic Lacson ang administrasyon ni Estrada at ang mga residente ng Maynila, hindi magpapabaya ang dalawang ito sa gawaing ipinagkatiwala sa kanila ni Estrada.
Vice Mayor-elect Honey Lacuna-Pangan, subukan mong mag-ikot sa buong Maynila para makita mo ang tinutukoy ko.
Huwag kang mag-alala, katuwang mo ako sa iyong krusada, responsibilidad, at mga gawaing nakaatang sa iyo bilang bise-alkalde.
PATULOY NA PAG-UNLAD NG CALOOCAN
Ang unang termino ni Mayor Oscar Malapitan ay kinilala ng pambansang pamahalaan at ng mga negosyante sa Lungsod ng Caloocan ang daynamismo ng ekonomiya at negosyo ng lungsod.
Magandang pundasyon ito. Dapat gumawa pa ng mga kongkretong hakbang ang administrasyon ni Mayor Malapitan, katuwang ang Sangguniang Panlungsod, upang magpatuloy ang pag-unlad at pasulong ng ekonomiya ng Caloocan.
At ang pag-unlad at pagsulong na ito ay higit pang mapakinabangan ng mga residente ng lungsod.
xxx
Problema at reaksyon n’yo, itawag sa: 09985650271, o mag-email sa: sulongbade@yahoo.com. Bisitahin din ang: NSBADILLA.BLOGSPOT.COM BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA