MALAKI ang gagampanang papel sa incoming DUTERTE ADMINISTRATION ang bagong talaga na Presidential Communication Operating Office ni Sec. MARTIN ANDANAR. Lalo na ngayon na may konting tampuhan ang hanay ng pamamahayag (media) at KA DIGONG.
BOYKOT ang sagot at aksyon ni PANGULONG RODY matapos ang makulit at magulong press conference sa Davao City. Makulit dahil ang mga tanong ay paulit-ulit. Magulo dahil hinaluan ito ng maling balita na batayan ng mainit na talakayan – “Duterte endorses media killings…”
Isama ang panawagan na media boycott ng dayuhang grupo na REPORTERS WITHOUT BORDERS dahil daw sa marahas na mga pahayag at biro na malisya.
Talaga lang, ha! Tuta ba ng dayuhan ang media natin? Resulta, si KA DIGONG ang nagboykot sa mass media! Hahahaha.
Salamat kay bagong National Press Club President PAUL GUTIERREZ sa kanyang pahayag na hindi siya susunod sa boycott call ng mga dayuhang pakialamero. Gayundin sa National Union of Journalists in the Philippines. Maging Filipino, hindi makadayuhan!
Mayaman sa karanasan si Secretary MARTIN sa pamamahayag. Sa mahigit na 20 taon ay nagpakita siya ng pantay at propesyunal sa kanyang mga naging tungkulin. Inabot niya ang kanyang mahalagang papel at estado sa TV5 at RADYO SINGKO nang batay sa proseso ng tagumpay. Tiyaga at talino.
Sa kanyang huling pahayag, gusto niyang ibalik ang ahensyang pangkomunikasyon ng pamahalaan. Ang PTV4 at Radyo ng Bayan na noon ay pangunahing himpilan ng mamamayan. Doon lahat nakatutok at aktibong kalahok sa mga tinatalakay ng usaping bayan.
Ang PTV4 at RADYO NG BAYAN noon ay tumutugon mismo sa titulo – telebisyon at radyo ng bayan. Ngunit dahil sa mga mali kung hindi man pabayang pamamahala, nalugmok ito at napabayaan. Isama pa riyan ang sabwatan ng mga komersyal na himpilan, ayaw nilang isali ang nasabing mga himpilan sa kanilang sosyalan!
Ang totoo, ang PTV4 at RADYO NG BAYAN ay nangunguna noon sa mga programa, batay sa totoong sarbey na gawa ng NSO na ngayon ay Philippine Statistics Administration. Ngunit ayaw kilalanin ng mga komersiyal bagkus, sila raw ang tunay na mga hari ng telebisyon at radyo?
Sana nga ay matugunan ni Andanar ang sakit ng komunikasyon ng bayan. Handa tayong tumulong sa kanya kung kailangan. Tapusin na ang mapanghimod na pamamahala na umuubos ng pondo ng ahensya.
Malaki rin ang ating paniniwala na kayang-kaya ni KUYANG MARTIN na “ibalik ang pagmamahalan” ng tropang media at ni PANGULONG RODY. Sa kanyang pag-upo, simula na ang tunay na PAGBABAGO!! BALETODO/ED VERZOLA
