SINASABING nasa 25-milyon ang papasok sa eskwelahan ngayong taon mula sa kinder hanggang kolehiyo.
Kung iisipin, talaga namang masisiyahan ka sa rami ng gustong makapasok at makatapos sa pag-aaral.
Pero kung sisilipin mo ang kaloob-looban ng mga ekwela, magugulat at kakabahan ka.
KAKAUNTING ENROLLMENT
Sa mga lumalabas na ulat mula sa mga panrehiyong sangay ng Department of Education, mahigit sa 50 porsyento lang ang nag-enroll para sa first year ng senior high school sa mga pampublikong eskwelahan habang nasa 25% lang ang sa mga pribadong eskwelahan.
Ito’y sa kabila ng sinasabi ng DepEd na walang sisingilin sa mga estudyante sa mga public school at mayroon namang voucher na P22,500 para sa mga papasok sa mga pribadong eskwela mula sa mga pampublikong paaralan.
Mayroon ding programa mismo ang DepEd na “maghanap ng mga bata” para mag-aral pero ang resulta nga ay ang nabanggit sa itaas na mababang enrollment.
Anyare, mga Bro?
14 SURVIVOR
Sa kabila ng pangako para sa magandang buhay na hinaharap ng mga kabataang estudyante ng K-12, hindi kaya mauulit lang ang matagal nang rekord sa edukasyon sa mahal kong Pinas?
Sinasabi kasing 14 lamang ang nakatatapos ng kolehiyo sa bawat 100 kabataang nag-eenrol sa elementarya.
Inabutan din maging ang administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III ng ganitong rekord sa kabila ng pagyayabang nitong yumaman na umano ang Pinas at nagyayabang pang ito ang kalagayang mamanahin ng paparating na administrasyon ni President-elect Rodrigo ‘Digong’ Duterte.
MAS MALALA?
Habang nakalulungkot, mga Bro, ang 14 na survivor sa bawat 100 na estudyante mula sa elementarya, kinakabahan tayo sa mga pinagsasabi ng mga taga-DepEd.
Sa ibang mga bansa umano kasi, ‘pag natapos na ang isang estudyante sa senior high school, hindi na ito kailangang magkolehiyo.
Kung magkolehiyo man ang estudyante ay extra na lang na dangal at dagdag na oportunidad ang makakamit nito.
Kapag nakatapos kasi umano ang mag-aaral ang senior high, magaling na umano ito at kayang-kaya na nito ang maghanapbuhay. At magpamilya na rin, ganoon ba?
Anak ng tokwa, walang naniniwala rito.
PATAY SA LABAN
Ayon sa mga may-ari ng kumpanya na ating nakapapanayam, kapag nagsabay na nag-aplay ang graduate na senior high at college graduate na may parehong kurso, ang huli ang tinatanggap.
Mas magaling at mas madali ring natututo ang college graduate sa anomang trabahong iniaatang sa kanya kumpara sa senior high school graduate.
At siyempre pa, mas mataas ang pasahod para sa college graduate at mas malaki ang oportunidad na ibinibigay sa mga ito kahit ipagpalagay pang pareho ang mga ito na nagmamalasakit sa kumpanya.
Patay sa laban ang senior high school.
Kahit pa sa mga posisyon sa gobyerno, mga Bro, mas tiwala ang gobyerno at mas pinapaboran nito ang mga college graduate kaysa mga mas mababa ang inabot.
Lalo na kung iisipin ang requirerment para sa professional na trabaho.
Ang nakatapos nga naman ng limang taong engineering ay higit na mas magandang trabahador o opisyal kaysa sa nagtapos nang dalawang taon.
HIRAP NA MAGULANG
Balik tayo, mga Bro, sa nakikitang kakaunting nag-enrol kaysa inaasahan.
Mismong mga magulang ang pinag-uugatan ng problema. Ang sabi, sa haba ng panahon ng pagpapaaral nila sa mga anak, hindi na nila umano kayang patapusin sa kolehiyo ang mga ito.
Hirap na nga umano sila sa apat na taon, dinagdagan pa umano ng gobyerno ang kanilang pasanin.
Mabuti sana umano kung papasanin nang buo ng gobyerno ang dagdag na dalawang taon bago makapagkolehiyo ang mga bata.
Eh, ang mga magulang pa rin ang magpapasan ng lahat, bagama’t may mga sinasabing voucher system o subsidy sa mga mag-aaral na lilipat mula sa public school tungo sa private school na kukuhan ng senior high.
Sa Metro Manila umano, umaabot sa P40,000 ang gastos sa mga pribadong eskwela. Saan makararating ang voucher o subsidyo ng gobyerno na P22,500?
Paano pa umano ang mga ibang gastos gaya ng pamasahe, baon, project, field trip at iba pa?
AKSYON NI DUTERTE
Sabi ng mga magulang, inaantay nila ang mga gagawing aksyon ng gobyernong Duterte lalo’t sinasabing ipagpapatuloy nito ang K-12.
Sinasabi mismo ni Digong na basta may 35-40 estudyante sa isang lugar, magpapatayo ito ng barangay high school at hindi kinakailangang lumakad ang mga bata ng 30 kilometro araw-araw para lang makapasok sa iskul.
Palatandaan ito ng labis na pagpapahalaga ng darating na administrasyon sa edukasyon.
Subalit ang inaantay ng mga magulang ay ang mga tugon-problema sa senior high at kolehiyo.
Incoming DepEd Secretary Leonor Briones, ano na ang ating pangarap at aktuwal na plano at programa para rito ng inyong departamento?
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
