PARA kay incoming Education Secretary LEONOR BRIONES, mainit ang isyu ng repormang edukasyon na inabot niya mula sa papatapos na administrasyong Aquino.
Mula sa sampung taon na sistema, 6 na taon sa elementarya, 4 na taon sa high school at 4-6 na taon sa kolehiyo.
Ngayon sa kanyang pag-upo, K-12 na o dagdag ng dalawang taon. Haharapin niya ang iba’t ibang reaksyon mula sa mga mag-aaral at mga magulang na tutol sa bagong patakaran ng edukasyon. Dagdag-gastos, dagdag-pasakit, lalo na sa hanay ng mga maralita.
Tiyak ko, si Sec. Briones ay produkto ng pampublikong paaralan hanggang pamantasan na tulad ko.
Noon kasi, kapag nagtapos ka sa public school ay mataas ang pagkilala sa iyo. Kumbaga, ang mga private school noon ay tapunan ng mga hindi makapasa sa pampubliko (sarili kong pagtaya!).
Sa pampublikong paaralan, una ang pagbuo ng katauhan ng mga mag-aaral tulad ng mga araling Good Manners and Right Conduct (GMRC), gardening, vocational at pinapanday sa kaalamang sining at kultura. Wala iyan sa pribado, noon.
Noon kasi, 30-40 lang ang estudyante sa bawat klase. Ngayon, 70-90! Kahit gaano katalino ang bata, sa ayos nila na higit pa sa mga sardinas, napakasikip ng mga silid-aralan.
Kaya naman sa sobrang init, nawawala ang atensyon ng mga mag-aaral sa kanilang leksyon. Kahit mahuhusay na guro, hirap sa pagtuturo sa sobrang dami ng mag-aaral, mala-sardinas sa sikip at sobrang init ng panahon.
Hindi ako naniniwala sa K-12. Sa totoo lang, likha lang ito ng mga may-ari ng mga paaralan, lalo na sa pribado. Sino-sino ba silang may-ari? Mga sakim na negosyante, mga politiko na sangkot sa pagsasabatas ng bagong sistema ng edukasyon.
Alalahanin natin ang panahon noon, dumami ang dayuhang mag-aaral sa atin. Walang K-12 noon.
Nang magtapos sila, sa loob ng ilang panahon, sila ang naging mga kalihim, ministro, administrador sa mga sangay ng kanilang gobyerno.
Kaya isang malaking hamon ang ipinaabot natin kay KA LEONOR. Pilitin na ibalik ang kontroladong bilang ng mga mag-aaral natin. Ibalik ang 30-40 bawat klase. Hindi na kailangan ang K-12, babalik ang talang kagalingan ng ating mga kabataang mag-aaral!
Imbestigahan din ang mga eskuwelahang pampubliko. Matagal na ang korapsyon sa hanay ng mga lokal na pamahalaan. Kumpleto ang badyet pero ang ginawang eskwela ay yari lang sa pawid at kawayan. Pandarambong!
Sinabi mismo ni Pangulong RODRIGO ROA DUTERTE iyan, KA LEONOR. Kung pondo rin lang, nandiyan ang PAGCOR at GOCC. Kasama mo kami sa pagbabago ng ating komersyalisadong edukasyon!
***
Sa inyong reaksyon at opinyon sa ating kolum, ipadala sa ating email: eduardoverzola@yahoo.com. BALETODO/ED VERZOLA
