MINSAN ay kailangan natin ang kamay na bakal para lamang sumunod sa mga batas na umiiral sa ating bansa at ito rin ang paraan upang magkaroon tayo ng disiplina sa ating mga sarili.
Sa pamamagitan ni incoming President Rodrigo Duterte ay magkakaroon na ng disiplina ang bawat isa sa atin, lalong-lalo na iyong mga hindi sumusunod sa batas at walang iniintindi kundi ang kanilang mga sarili.
Bagama’t hindi pa nagsisimula si Digong sa kanyang tungkulin bilang Pangulo ng bansa ay marami na rin ang sumusunod sa mga gusto nitong ipatupad tulad na lamang ng pagpapatupad ng curfew, pagbabawal sa pag-inom sa kalsada at iba pa.
May mga magulang din na naparusahan na dahil sa pagpapabaya sa kanilang mga anak na pakalat-kalat sa lansangan kahit na dis-oras na ng gabi.
Minsan ay napapahamak ang mga kabataan dahil sa pagtambay sa labas ng kanilang mga bahay kahit na anong oras kaya tama lamang na magkaroon ng curfew ang mga ito upang maiiwas sila sa disgrasya.
Matitiyak din natin na sa pamamagitan ni Duterte ay mawawala na ang korap sa ating gobyerno dahil tiyak na may kalalagyan ang mga ito sakaling gumawa ng kalokohan sa kanilang mga tungkulin.
Mababawasan din ang mga namamantalang empleyado ng gobyerno na hindi gagalaw kapag hindi ka naglagay sa kanilang mga serbisyong gagawin.
Ang mga ganitong gawain kasi ang isang dahilan kung bakit tumatagal ang pagsulong ng ating bansa kaya kailangan natin ang kamay na bakal para maging mabilis ang pag-usad ng Pilipinas na matagal na ring nahinto sa pag-asenso.
Mawawala na rin ang mga drug lord na ngayon pa lamang ay nag-iiyakan na dahil labis silang maaapektuhan kapag nagsimula na si Duterte sa kanyang tungkulin bilang Pangulo ng bansa.
Maging ang mga kriminal na nagkalat sa lansangan ay mawawala na kapag nagsimula na si Digong sa kanyang pagsisilbi sa bansa.
Ito ang matagal nang hinihintay ng ating mga kababayan, ang magkaroon ng Presidenteng kayang ipatupad ang mga batas na umiiral. Kaya asahan na natin ang pagtino ng Pilipinas sa pagsisimula ni Duterte sa kanyang tungkulin bilang Pangulo ng bansa. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO