ANG garapalan umanong pangongotong na ginagawa ng isang tax revenue collector ng Bureau of Internal Revenue sa Daet ang ating ibubunyag sa espasyong ito.
Paalala lang po: Anomang nakalathala sa espasyong ito ay binabase lang natin sa reklamo ng isa sa masusugid nating mambabasa.
Totoo man o hindi ang reklamo, dapat po ay aksyunan ito ng mga kinauukulan ng BIR para naman medyo mabawasan ang bansag sa kanila na pinakakorap na ahensya.
Basahin natin ang nilalaman ng reklamo.
Magandang araw po sa inyo Mr. Magalona, sana po ay mabigyan ninyo ng pansin ang hinaing namin dito sa Daet sa pag-upo ng ating kagalang-galang na bagong President Rodrigo “Digong” Duterte.
‘Yun po kasing tax revenue collector na may pangalan na Gina V. ay garapal kung mangotong sa mga taxpayer.
Kung may kaibigan po kayo rito sa BIR-Daet ay siya po ang pagbayarin n’yo para mapatunayan po ninyo ang inilalahad ko sa inyo kaugnay sa garapalang pangongotong nitong si Gina V.
Tinataasan po niya ang collection, pagkatapos ay binubulsa lang niya. Para malaman ninyo, Mr. Magalona, kayo na po ang mag-imbestiga sa katiwaliang ginagawa ng collector na ito.
Marami na po kasi ang nabibiktima ng aleng ito kaya tuloy hindi maalis ang bansag na “one of the most corrupt agencies” ang Bureau of Internal Revenue. Korap dahil sa mga ginagawa mismo ng mga kawani nito mula sa pinakamababang posisyon hanggang sa pinakamataas.
Umaasa po ako, Mr. Magalona, na sa pamamagitan ng kolum ninyong “Juan de Sabog” ay maipararating ninyo ang aming reklamo sa BIR-Daet sa tanggapan ni Pangulong Duterte.
Maraming salamat and God bless!
MGA VK FRONT NGA BA NG BENTAHAN NG DROGA?
Namamayagpag pa rin ang operasyon ng mga video-karera ng mga pasaway na mga operator nito na kinilala lamang sa alyas na Bodi at Dagul sa Kawit, Kap. Fred; Kap.Gody; Monson at Nani na pawang mga nasa Imus at alyas Labo naman sa Bacoor, Cavite.
Isang napakalaking hamon sa bagong upong provincial director na si Supt. Leo Francisco ang talamak na operasyon ng mga VK sa kanyang nasasakupan na tila ginagawa pa yata itong malawakang bentahan ng droga sa mga player nito.
oOo
Anomang reklamo o puna ay i-text lang sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA
