ANG tunay na kabuluhan ng State of the Nation Address (SONA) ang magiging tema na gustong ibalik ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pagharap niya sa bayan sa darating na Lunes, July 25, 2016.
Nais na ring iparamdam ni Pres. Digong ang tunay na kahulugan ng SONA sa loob ng 100 araw na kanyang panunungkulan.
Sa Lunes ay ibang SONA ang matutunghayan ng taumbayan mula kay Pang. Duterte dahil nakasentro sa mensahe nito ang lahat na malayong-malayo sa mga nagdaang SONA ng ibang mga Pangulo na nakatuon sa pabonggahan ng suot ng mga dumadalo.
Gusto lang kasi ng gobyernong Duterte na mahalintulad tayo sa ibang bansa na ang mensahe ng isang lider ang pinakaaabangan at hindi ‘yung nakasanayan na ng Filipino na paseksihan, pagandahan at pagwapuhan ng suot ang tinitingnan at inaatupag.
Basta ang isusuot ng mga dadalo ay business attire o Flipiniana na hanggang tuhod lang ang haba.
Sa pagtatalumpati ni Pres. Duterte ay walang maririnig na paninisi sa nagdaang lider at wala ring kahalintulad sa “Bangkang Papel” boys na iskolar ni ex-President at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Formality ng event ang ipakikita ni award-winning independent film Director Brillantes Mendoza at magsisilbing escort ni Pangulong Duterte sina Senate President Franklin Drilon at incoming House Speaker Pantaleon Alvarez.
Depende na siguro kay Pangulong Digong kung gaano kahaba ang kanyang mensaheng ipababatid nito sa taumbayan sa darating na SONA kaya pakaaabangan na lamang po natin.
Pero ang isang tiyak sa mga ilalatag ng Pangulo ay ang kanyang 10-point agenda, kabilang na ang comprehensive tax package, pagbabalik ng death penalty at Charter-Change sa pamamagitan ng Constitutional Convention, ayon kay Atty. Paola Alvarez na Department of Finance Spokeperson.
Kaya siguro, sa kamay ni Pang. Duterte ay tuluyan nang magkakaroon ng liwanag at mababanaag na nating mga Filipino ang “Tunay na Pagbabago” mula sa hanay ng gobyerno hanggang sa taumbayan.
SI MAYOR ANG PAMATO
Sa Calamba, Laguna ay isa-isang inilalatag na ni Rico ng Rizal ang kanyang sandamakmak na mga video-karera (vk) nito na mula pa sa lalawigan ng Rizal.
Si Rico ng Rizal ang siyang kinikilalang “VK King” sa lalawigan ng Rizal pero nang makita nito na medyo humihina na ang operasyon nito ay lumundag siya sa Laguna.
Ang mayor ng Calamba ang ‘pamato’ raw ni Rico?
oOo
Anomang puna o reklamo, i-text lamang sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA