NAWA’Y manahimik ang mga kilabot na druglord sa National Bilibid Prisons (NBP) ngayong napapaligiran na sila ng Special Action Force (SAF).
Iyan lang naman ang kinailangang gawin para matigil ang iligal na aktibidades sa loob ng NBP compound na hindi nagawa ng mga nakaraang administrasyon.
Subukan ngayon nilang pumorma sa elite force ng Philippine National Police (PNP).
Wala kasing political will at korapsyon ang umiral sa sistema ng koreksyonal sa maraming dekada.
Paanong sasabihing sasailalim sa rehabilitasyon ang mga kriminal kung sa loob mismo ng piitan ay may shabu laboratory at ‘yun ang nagiging base ng druglords.
Nabulgar na labas-masok sa Bilibid ang ilang bigtime druglord na bumubuo ng Mafia sa shabu at iba pang iligal na droga.
Kabilang sa mga demonyong ‘yan sa mga tinukoy ni Pangulong Rody Duterte kamakailan.
Ngayong mga tropa na ng SAF ang magbabantay pansamantala sa paligid ng Bilibid, partikular na sa maximum security compound, nawa’y tuluyang manahimik na ang mga druglord na ‘yan.
Masyado nang nababoy at ginagawang katawa-tawa ang sistema ng hustisya sa ating bansa.
Ang mga petik-petik na kriminal ay naparurusahan nang matindi samantalang ang mga mayayaman na godfather ng mga sindikato ay “buhay-hari.”
‘Di nakapagtataka na nawalan ng tiwala ang publiko at kredibilidad ang kagawaran ng hustisya, partikular na ang Bureau of Corrections.
Walang saysay iyang pagpapalit-palit ng hepe at iba pang opisyales ng BuCor dahil sila mismo’y sunud-sunuran lang sa mga sindikato roon.
Ngayong pinalitan na ng SAF ang mga inutil na guwardya, tingnan natin kung makalabas-masok pa ang mga shabu nila sa impyernong ‘yan.
‘Di dapat kunsintihin ang mga ‘yan. Pashabugin at pagpahingahin ang mga demonyong ‘yan!!!
oOo
Welcome po ang inyong mga reaksyon, opinyon at reklamo. I-email lamang po sa etulfo2011@yahoo.com o bisitahin nyo kami sa Erwin Tulfo Action Center sa 2nd Floor, Quedsa Plaza, Quezon Ave. cor. EDSA, Quezon City, 9am-4pm Monday-Friday. DEADSHOT/ERWIN TULFO

