INIIMBESTIGAHAN na ng Department of Foreign Affairs at ng Presidential Communication Operations Office ang isang dating opisyal at isang kilalang negosyante sa Makati hinggil sa kanilang partisipasyon sa bilyon-bilyong pisong anomalya sa paggawa ng Philippine passports.
Kapwa inamin nina DFA Sec. Perfecto Yasay at PCOO Sec. Martin Andanar na maanomalya ang paggawa ng ating mga pasaporte ngayon ng United Great Expression Corp. o UGEC.
Ang UGEC, na isang kompanya na gumagawa lamang ng mga karton ng sardinas, ang kinuha ng Asean Printing Office (APO) para gumawa ng mga passport.
Ang APO ay ang imprenta ng pamahalaan sa ilalim ng PCOO na siyang nag-iimprenta ng mga sensitibong dokumento ng gobyerno.
Lumalabas sa imbestigasyon ngayon na panahon ni dating PCOO Secretary Sonny Coloma ang pagkuha ng APO ng subcontractor na ang UGEC nga para gumawa ng passports, na labag sa kasunduan ng DFA at APO.
Base sa naturang imbestigasyon, inaprubahan ni Coloma ang pagkuha sa UGEC ng APO bilang sub-contractor nito na hindi na idinaan sa bidding.
Ang masaklap, dahil walang kakayahang gumawa ng passport ng UGEC, nag-sub-contract pa ito ng isa pang kompanya na gagawa ng mga passport. Seven hundred pesos ang kuha ng UGEC sa subcontractor nito bawat passport.
Pero ang UGEC ay ipinapasa ito sa taumbayan ng P1,200 bawat isa. Sa madaling salita, may kickback umano sila na P500 bawat passport.
Sa taya ng DFA, may 45 million Filipinos ang kukuha o magre-renew ng passport sa loob ng 10 taon.
Base naman sa aking impormante sa Securities and Exchange Commission (SEC), isang sikat na negosyante sa Ayala, Makati ang isa sa may-ari ng UGEC.
Maaaring ipatawag si “Mr. Z” ng DFA at PCOO para malaman kung siya nga ang isa sa may-ari ng UGEC o nagamit lamang bilang “dummy.”
Tuwid na Daan pala noon, ha??? What can you say, ex-President Noynoy???
Pwe!!!!!
***
Welcome po ang inyong mga reaksiyon, opinyon at reklamo. I-email lamang po sa etulfo2011@yahoo.com o bisitahin nyo kami sa Erwin Tulfo Action Center sa 2nd Floor, Quedsa Plaza, Quezon Ave. cor. EDSA, Quezon City, 9am-4pm Monday-Friday. DEADSHOT/ERWIN TULFO