HINDI na bago ang kontrobersya tungkol sa Bataan Nuclear Power Plant (BNPP).
Halos 10-taon na yata nang unang buksan ni former Congressman Mark Cojuangco ang usapin ng natenggang plantang nukleyar.
Mahirap siguro para kay Cojuangco ang muling pagpapakilala sa BNPP sa mga Pinoy na karamihan ay hindi alam kung ano ito o roon sa nakaaalam pero pinili na huwag bigyang pansin ang isyu.
Maraming pinagmumulan ang kontrobersya.
Una, produkto kasi ng rehimeng Marcos ang BNPP, pangalawa puro takot ang kwentong tungkol dito at halos walang pagpapaliwanag kung paano pinatatakbo ang isang plantang nukleyar at kung ano ang benepisyo sa tao kung meron man.
Kaya halos 40 taon na natengga ang BNPP hanggang sa maghain nga si Cojuangco ng House Bill sa Kongreso para muling pag-aralan ito at kung hindi na talaga okay ay baklasin na para hindi na gumasta pa sa pangangalaga sa planta.
Oo, halos P40-milyon taon-taon ang maintenance budget ng BNPP pero hindi pwedeng basta pabayaan ito hanggang walang utos ng batas dahil binayaran ng Pilipinas ang pagpapagawa ng planta at kailangan na iutos ng isang batas kung gusto na natin na tuluyang balewalain ang BNPP.
Sa madaling salita, bukas na naman ang isyu. Sa nuclear energy conference kamakailan, mga delegado sa iba’t ibang bansa ang bumista sa atin at topic ang BNPP.
Para sa akin, mabuting pag-aralan ang isyu nang walang emosyon. Scientific ika nga, alisin ang mga walang basehang takot at subukin ng mga Pinoy na buksan ang kaisipan para sa makabagong teknolohiya ng nukleyar bilang pinagkukunan ng kuryente.
Isipin na lang, ilang bansa ang may nuclear plants, kabilang ang Japan na hindi lang isa kundi maraming plantang nuklear.
Ang Korea ay mas marami pang planta, ang China, at malalaking bansa tulad ng Amerika at mga bansa sa Europa ang may mga nuclear plant.
Kung tutuusin, ang galing nga ni Ferdinand Marcos dahil nakipagsabayan siya sa pagkilala sa makabagong teknolohiya sa enerhiya.
Pero kailangan ang matibay na pag-aaral at malalim na pagsasaliksik para masagot ang mga tanong kung bakit nakikinabang sa kuryente galing sa nukleyar plant ang mga makapangyarihang bansa habang tayo’y hindi pa sa kabila ng pagkakaroon natin ng nuclear plant. SIBOL/ATTY. ARIEL ENRILE-INTON
