WALA nang iba pang pinakahahangad si Pangulong Duterte kung hindi makamit ng Republika ng Pilipinas ang tunay na kalayaan mula sa United States.
Sa pananaw ni Policy Studies Group National Capitol Region Head Jose Antonio Goitia, isang pagpapatunay ang aksyon ni Pangulong Duterte na paalisin na ang puwersang US na nananatiling nakatalaga sa Mindanao para matamo ang tunay na kalayaan ng ating bansa.
“Ang hiling ni Pangulong Duterte para sa pag-pullout ng lahat ng US troops sa Mindanao ay isang pruweba na higit pa ang kanyang kritisismo sa US hinggil sa mga sinasabing human rights violations issue na binanggit ng US State Department at ni President Barack Obama. Dito nakikita ang mas malinaw na intensiyon ni Pangulong Duterte: ang makawala na tayo sa anino ng US at ang makamit ang tunay na independent foreign policy,” ani Goitia.
Iginiit ni Goitia, PDP Laban Membership Committee NCR Chair at concurrent president ng PDP San Juan City Council, na puno ng kaguluhan, pagmamaltrato at hindi patas na pagtingin sa mismong mga Filipino sa sariling bansa ang naitala sa kasaysayan ng US at Pilpinas.
Maraming Filipino, partikular na ang mga Moro, ang napatay noong US occupation sa mga isla ng Pilipinas sa unang bahagi ng ika-20 siglo.
Kahit nga ipinagkaloob pa ng US sa Pilipinas ang kalayaan natin noong 1946, hindi pa rin inamin ng US government ang kanilang nagawang pananakop sa atin at hindi rin nabayaran ng anomang danyos ang mga napatay sa panahon ng pananatili nila sa ating bansa, ayon kay Goitia.
Nilinaw niyang mahalagang mensahe ni Duterte ang mga katagang “I am a President of a sovereign state, and we have long ceased to be a colony. I do not have any master except the Filipino people.”
Ngunit tila hindi ito napansin ng international media dahil higit nilang pinagtuunan ang sinasabing pagmumura niya kay US Obama.
Wala naman kasing tunay na dahilan kung bakit ipinaiiral ng mga Moro secessionist rebel ang armadong pakikibaka dahil sa matagal nang pananakop ng US sa atin.
Ito ang iginigiit ni Duterte na hangga’t may pwersang US sa Mindanao ay hindi makakamit ng bansa ang kapayapaan.
Ayon sa opisyal, hindi lamang ang kapayapaan sa Mindanao ang nakataya sa mga huling ipinahayag ni Duterte.
Nasisilip ng mga lokal at dayuhang analyst na isang paraan niya ito upang makalayo sa Amerika para mawakasan na ang katayuan ng bansa bilang outpost ng Washington D.C. sa Southeast Asian region.
Isang napakahalagang pangyayari ito sa krusyal na estado ng labanan ng US at China, gayundin ng Russia.
Dulot ng pabago-bagong reyalidad na nagaganap sa daigdig, dapat maging maingat si Duterte na huwag mailagay sa line of fire ang Pilipinas sanhi ng pananatili ng US forces sa ating bansa na isa namang malaking banta sa China, sabi ni Goitia.
Para kay Goitia, hindi masasabing anti-Obama ang mga ginawang pahayag ni Duterte na kagaya ng sinasabi ng kanyang mga kritiko kundi isa itong paraan upang maprotektahan ng Pangulo ang pambansang interes at seguridad ng bansa. KANTO’T SULOK/NATS TABOY
