HINDI na tama ang imbestigasyon ng Senate Committee on Justice and Human Rights na pinamumunuan ni Senadora Leila de Lima dahil halatang-halata na ang layunin ay wasakin si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang pagkakaalam ko, ang layunin ng imbestigasyon ay tungkol sa extrajudicial killings (EJK) na nagaganap simula Hulyo 1 hanggang ngayon para makagawa ng batas, o ‘di kaya’y patapangin pa ang umiiral na batas hinggil dito.
Ngunit sa imbestigasyon ng komite ni De Lima, pinalitaw ang isang Edgar Matobato na ang ginawa ay ibunyag ang nasa 1,000 katao na pinatay sa Davao City habang si Duterte ang mayor ng lungsod.
Kung napanood ninyo ang imbestigasyon, maraming punto sa ibinunyag ang kuwestiyunable. Marami ang hindi kapani-paniwala.
Tama si Sen. Alan Peter Cayetano, kaduda-duda ang layunin ng pagpapalantad kay Matobato.
Ani Cayetano, bahagi ng Plan B ng Liberal Party (LP) upang patalsikin si Duterte at ipalit si Leni Robredo na isang miyembro ng LP. Si Leila de Lima ay bahagi ng LP.
Si De Lima ay idiniin ni Duterte sa iligal na droga at imoralidad.
Ganito na ang Senado, gustong magbalangkas ng batas, o ‘di kaya ay palakasin ang umiiral na batas para huwag nang maganap ang EJKs, subalit ang sitwasyong pagbabatayan ay lumang pangyayari sa Davao City na hindi pa tiyak kung totoo o hindi.
Kung ang inaalam ay tungkol sa mga pinapatay ng hindi mga kilalang ‘bayarang mamamatay’ kaugnay sa kampanya ng administrasyong Duterte, ngunit ang pinayagan ni De Lima na testigong magsasalita ay iyong magkukwento tungkol sa Davao City noong hindi pa Pangulo si Durterte.
Bakit hindi ipatawag ang mga hepe ng pulisya sa Quezon City, Maynila at Caloocan City, dahil maraming lugar na ito ang biktima ng EJKs simula noong Hulyo 1.
Gusto ni Cayetano na malaman kung nagsasabi ng totoo, o hindi si Matobato, ngunit kitang-kitang hinaharang ni De Lima.
Sana hindi na naging senador si De Lima sapagkat hinaharang nilang malaman ang katotohanan sa “demolition job” ng LP!!!
AKSYON NI MALAPITAN, KAILANGAN SA UCC
HINDI lamang bagong gusali ang kailangan sa University of Caloocan City kundi paghusayin at maiangat ang kalidad ng edukasyon dito dahil napakaraming mag-aaral mula Caloocan City ang makikinabang dito.
Kaya, dapat bigyan ni Mayor Oscar Malapitan ng kaukulang pansin ang puntong ito.
Alam ko, malapit sa puso ni Malapitan ang UCC, kaya papansinin niya ang mungkahing ito. BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA
