ANG Laguna lake ay maituturing na ‘God’s gift’ dahil sa angkin nitong mga yamang tubig na nagbibigay ng kabuhayan sa taong nakatira sa paligid.
Ngunit sa paglipas ng panahon, unti-unting nabago ang dati’y dagat-dagatan ng mga produktong tubig tulad ng naglalakihang isda at iba pa gaya ng mga shell.
Noon, sa ilang oras na pangingisda lamang sa lawa, ang bangka ni Mang Gorio ay kaagad napupuno ng iba’t ibang klase ng sariwang isda at iba pang lamang dagat.
Subalit ngayon, maswerte si Mang Gorio kung sa halos isang araw sa lawa ay makapag-uuwi ito ng isa hanggang sampung piraso ng isda.
Natapos na ang masasaganang araw ng pangingisda sa Laguna lake dahil sa mabilis na pagkasira ng lawa, daing ni Mang Gorio.
Ang dahilan, ay ang ekta-ektaryang lawa, aniya, ay mistulang ‘kubeta’ na dahil ginagawang tapunan, hindi lang ng basura kundi pati dumi ng tao.
Sa sobrang lawak, ‘di raw nababantayan ng Laguna Lake Development Authority Management ang pagtatapon ng dumi at basura sa Laguna lake.
Hindi nakapagtataka na kaya pala matabang at lasang gilik ang mga isda na nahuhuli riyan sa Laguna lake ay dahil sa mga basura. Kadiri!
Ano na ang nangyari sa ipinangangalandakan na proyekto ni Pangulong Aquino para maiayos at maibalik ang dating ganda at freshness ng lawa.
Naiulat na ng Pangulo ang pagsasagawa ng malaking proyekto, pero hanggang ngayon ay nananatili pa ring ‘announcement’ na ‘di naisasakatuparan.
Kasabay ng anunsyo sa sinasabing LLDA project ay ang pagtatalaga niya kay dating Congressman Nerio Acosta bilang LLDA boss.
Pero pagkatapos niyan ay wala na tayong narinig kay PNoy, lalo na kay Acosta kung ano na ang nangyari sa ipinagmamalaki nilang proyekto.
Sa isa, dalawa, tatlo at patuloy na paglipas ng araw na nabibinbin ang LLDA project, tone-toneladang basura at dumi ang natatapon sa lawa. Baka sa kabibinbin ng proyekto, tuluyan nang malason ang lahat ng yamang tubig at mawawalan ng ikinabubuhay ang mga residente ng Laguna lake.
Isa lang ang masasabi natin… hindi nagpe-perform si Acosta.