DALAWANG kilalang media personality ng isang malaking network ang sinasabing namamayagpag sa larangan ng public relations kung saan halos lahat ng malalaking top ranking official at maging ahensiya ng gobyerno ay hawak nila bilang mga kliyente.
Dangan kasi ay nagagamit ng mga mokong ang kanilang mga public service program kuno sa kanilang giant network para sa PR operations nila.
Katulad na lang halimbawa ng isang mokong na ginagamit ang buong team niya at maging ang equipment ng kanilang istasyon sa mga research at pagkuha ng dossier kapag may gusto siyang tirahing tao at paputuking isyu.
Sobrang husay ng mga kolokoy na ito sapagkat napapalabas nilang sa ngalan ng public service kapag may tinatalakay at hinihimay silang isyu sa network nila.
Pero sa totoo lang ay in the service of their clients lang ang ginagawa nila, pero dahil maayos nga ang pagkakalatag ay hindi ito nahahalata ng kanilang mga bossing.
Mala-sindikato na rin ang dating nila dahil marami silang nakukumbinsing iba pang mga mamamahayag kaya kapansin-pansin na kapag bumira sila ay tiyak na may susundot na rin sa isyung pinapuputok nila.
Kaya nga malas na lang ng kahit na sinong masagasaan ng mga PR operator na ito na nagkukunwaring mediamen dahil lahat ng binangga nila ay tiyak na giba.
Hindi na rin mabilang ang mga napatanggal na nila sa pwestong mga government official kaya naman andap ang mga kasalukuyang tao ni Pangulong Digong sa kanila.
Dahil doon ay kabi-kabila ang mga kliyenteng hawak nila ngayon at hindi nga nila alam kung saan ilalagay ang kinikita nila sa kanilang PR ops.
Para sa akin ay walang masama kung magtrabaho man para sa PR nila ang mga taong ito na ginagamit ang media outfit nila dahil problema naman nila iyon kapag nabuking sila.
Subalit huwag naman sanang ma-bastardize ang media profession kung saan pinalalabas na investigative report ang mga kinakalkal nilang isyu, pero iyon naman pala ay may iba silang isinusulong na agenda.
Dapat na talagang ma-professionalize ang larangan ng pamamahayag sa bansa para maging maliwanag na ang linyang naghihiwalay sa mga totoong mamamahayag at sa mga nagpapanggap lang o iyong tinatawag na pseudo-newsmen.
Dapat mabigyang-linya rin ang totoong reporters at maihiwalay mula sa practicing public relations men na nagkukunwaring reporter, para naman maging maliwanag ang lahat.
Kaya nga hindi ko rin masisi si Pangulong Digong noong minsang i-categorize niya ang mga taga-media sa tatlo: iyong totoong propesyunal, public relations operators at iyong kalabit-penge na tinawag niyang low lives.
Ang tanong, saan kaya riyan sa tatlong kategorya ang sinasabi kong mga media personality? OPEN LINE/BOBBY RICOHERMOSO
