NITONG mga nakalipas na araw ay naging usap-usapan sa lahat ng sulok ng bansa ang naganap na pagdinig ng committee on justice and human rights sa mababang kapulungan ng Kongreso at nagbigay ng testimonya ang ilang high profile inmate sa New Bilibid Prison ukol sa kalakaran ng iligal na droga sa loob ng pambansang piitan.
Kung ating susuriing mabuti ang mga inilahad ng mga testigong iniharap ni Department of Justice Sec. Vitaliano Aguirre ay iisa ang tinutumbok ng kanilang pahayag at ito ay ang pagkakasangkot ni Sen. Leila de Lima sa kalakaran ng droga.
Dahil dito, nagkakaroon na ng linaw ang kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsugpo ng iligal na droga sa buong bansa at maging ang mga may kinalamang opisyal ay nabubunyag na ang kanilang partisipasyon sa pagpapakalat ng shabu sa loob at labas ng NBP.
Base pa sa record ng Philippine National Police na pinamumunuan ni Director General Ronald “Bato” dela Rosa ay libo-libo na sa mga drug pusher at user ang nagsisuko sa pulisya at nangakong magbabagong buhay na upang maitama ang kanilang nagawang pagkakamali.
Marami rin ang mga pusher na nagtangkang lumaban sa drug operation ang nasawi at ang iba namang hindi nanlaban ay nakakulong na ngayon sa detention cell sa iba’t ibang lugar habang dinidinig ang kanilang mga kaso sa Regional Trial Court.
Napapansin din natin na nabawasan na ang mga tumatambay sa kalsada, pagdating ng disoras ng gabi dahil maraming tauhan ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang umiikot sa lahat ng sulok ng bansa upang mapangalagaan ang buhay ng mga Filipino.
Maging ang mga krimen na kinasasangkutan ng mga drug pusher at user ay nabawasan na rin dahil karamihan sa mga ito ay takot lumabas sa gabi sa pangambang maaresto sila ng mga nag-iikot na pulis at sundalo.
Ang pinakahihintay ng mga Filipino na pagbabago ay nasimulan na at umaasa ang mga ito na pagdating ng tamang panahon na makalalakad na tayo sa mga kalsada nang hindi nangangamba sa mga gumagalang drug pusher at user na karamihan ay mga holdaper din.
Sang-ayon tayo sa kampanyang ito ng PNP at ni Pangulong Duterte na labanan ang iligal na droga dahil karamihan sa mga nagaganap na krimen sa buong bansa ay may kaugnayan sa paggamit ng shabu.
Dahil din sa mga kaganapan na ito, masasabi na natin na may linaw na ang kampanya ni Duterte laban sa iligal na droga at matatandaan din na kamakailan lamang ay nadiskubre ng mga awtoridad ang pinakamalaking shabu laboratory sa bansa na natuklasan sa Pampanga.
Hindi magtatagal ay matatawag na nating drug-free country ang Pilipinas dahil na rin sa patuloy na kampanyang ito ng pamahalaan at ito ay malapit na malapit na nating makamit dahil na rin sa pagpupursige ng ating Pangulo sa pagsugpo sa droga. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
