KULANG ang listahan na inilabas ng Department of Environment and Natural Resources na tumutukoy sa mga minahan na nag-aabuso sa kalikasan o lumalabag sa batas sa pagmimina.
Kaya may nakaligtas o nakalusot sa pagkakasuspinde ng kanilang lisensiya sa pag-ooperate.
Paano nakalusot kay DENR Sec. Gina Lopez ang mga kompanyang ito na hindi nagko-comply sa mga patakaran sa pagmimina sa ating bansa?
Umalma ang ilang sector kabilang na ang Alyansa Tigil-Mina (ATM) dahil may mga hindi isinama ang DENR sa listahan ng kompanyang may mapanirang operasyon.
Kabilang sa mga ito ang Platinum Group Metal Corp. (PGMC) sa Surigao, na pag-aari nina Raul Ang at Joseph Sy, na matagal nang inirereklamo ng mga residente roon dahil sa hayagang paglalapastangan sa kalikasan.
Ayon kay Jaybee Gargarena, national coordinator ng ATM, marami ang paglabag itong PGMC sa environmental laws tulad na lamang ng “spillage” o pagtatapon ng mga waste o rumi nito kung saan-saan.
Nagtataka rin ng ATM kung bakit pinayagan pa ng DENR ang Taganito Mining, pag-aari ni Manny Zamora, na mag-operate sa kabila ng mga reklamo na gumagamit ito ng sulfuric acid sa pagmimina.
Nagpupuyos sa galit ang mga nakatira malapit sa mga minahan na pinayagan ng DENR na magpatuloy.
Nagsususpetsa ang ATM na may nangyaring “suhulan” kung kaya nagbubulag-bulagan ang DENR officials sa pananalasa ng dalawang minahan.
Tinuligsa na rin ng Simbahang Katolika ang mga minahan na ito dahil sa paglapastangan sa kapaligiran at kalikasan.
Sec. Gina Lopez, ma’am, mukhang pinaiikot kayo ng inspection team ninyo at hindi kayo binigyan ng makatotoohanang audit report ukol sa violations ng PGMC at Taganito.
Siguro, Maam, mas maiging kayo na mismo ang mag-imbestiga at magpunta sa mga nasabing minahan para madiskubre n’yo ang katotohanan.
Kailangang maipasara itong PGMC at Taganito mining companies!!! DEADSHOT/ERWIN TULFO