SA isang panayam ay inihayag ng bagong pamunuan ng LTFRB ang balak nila na bago matapos ang taong ito ay ma-lift na ang moratorium sa pag-issue ng bagong prangkisa para sa pampublikong sasakyan.
Kokonsultahin daw ang lokal na pamahalaan para alamin ang mga transport need sa kanilang mga lugar at mga plano tungkol dito.
Agree po ako rito. Noon pa ay ‘yan na ang pananaw ko at maging ng iba pang nanungkulan sa LTFRB.
Naging sanhi nga rin ito ng corruption pero ang talagang rason kung bakit dapat nang buksan ang prangkisa ay dahil sa tumataas na public demand at needs for enough public transportation.
Maaaring may magtanong kung bakit ngayon lang naisip na buksan na ulit ang pag-issue ng mga bagong prangkisa. In fairness po sa mga opisyal ng LTFRB, noon pa ay ‘yan na ang suggestion namin mula pa noong bagong upo pa lang kami.
At bakit daw hindi nagawa ng LTFRB noon pa? Dahil noong nakaraang administrasyon, ang pag-determine ng road measure capacity o RMC na siyang basehan para mag-issue ng bagong prangkisa ay kinuha sa LTFRB ng planning dept. ng Department of Transportation (DOTr).
Kaya kahit ine-endorse noon pa ang kahilingan ng mga lokal na pamahalaan na magbigay ng bagong mga prangkisa ay hindi na-aaksyunan dahil sa moratorium na pinairal ng DOTr. Ako mismo ay maraming na-endorse sa planning dept. ng DOTr pero walang naging aksyon.
Kaya tuloy, ang mga lokal na pamahalaan na ang gumagawa ng paraan thru local legislations para magkaroon ng permit sa kanilang mga lokalidad ‘yung mga public transpo na gusto magbiyahe at magbigay ng serbisyo ng transportasyon sa mga area nila.
Hindi dapat ganito, hindi dapat pwede ‘to, pero nakikita ng mga local official ang kakulangan ng public transport kaya para tuloy ginawan nila ng sariling paraan.
Sanhi ito ng paglipana ng mga kolorum dahil marami ang pasahero at mataas ang public demand for transpo pero walang prangkisa. Kaya ang resulta, mangongolorum o kaya tricycle ang bumibiyahe.
Magandang move sana na ma-lift na ng DOTr ang moratorium. Pero kailangan pa rin ang matinding pag-aaral at malawakang konsultasyon para naman guminhawa na ang buhay ng mga commuter.
Mabawasan na dapat o kaya ay matanggal na nang tuluyan ang mga kolorum sa kalsada. SIBOL/ATTY. ARIEL ENRILE-INTON
