KALALABAS lang sa teritoryo ng bansa ngunit may buntot pa ang bagyong si Karen.
Habang nagaganap ito, heto’t pumapasok naman sa bansa ang bagyong Lawin.
Maulan na signal no. 3 si Karen habang tila papunta naman sa signal number si Lawin habang tumatakbo patungo sa atin.
MAY PATAY
Habang tinitipa ito, umabot na sa bilang na 3 ang namatay dahil kay Karen. May mga nasugatan din at nawawala rin.
Libo-libo naman ang mga na-stranded na pasahero ng mga eroplano, barko at sasakyang panlupa sa iba’t ibang paliparan, pier at lansangan sa maraming lugar sa bansa.
Ito’y dahil sa 500 kilometrong lawak ng sakop ni Karen habang binabayo nito ang malaking bahagi ng Visayas at Luzon at mabagal na naglalakad patungo sa West Philippine Sea.
WALANG PULITIKA
Ayon sa Department of Social Welfare and Development at iba pang mga ahensya ng pamahalaan na naatasang umalalay sa mga mamamayan, nakapuwesto nang tama at mabilis silang kumikilos.
Dapat na mangyari ito dahil dito naging mahina ang mga nakaraang administrasyon.
Para kay Pangulong Rodrigo Duterte, hindi dapat haluan ng pulitika ang pag-ayuda sa mga mamamayan sa mga oras ng kalamidad.
Sa nakaraang mga administrasyon, inuuna ng pamahalaan na ayudahan ang kanilang mga paboritong lugar, lalo na ang mga pinagkukunan nila ng malalaking bilang ng boto.
Pinababayaan naman nila ang mga lugar na alam nilang hindi nila kaalyado ang mga nanunungkulang lider gaya ng mga mayor, kongresman at senador. Naganap ito noong sinalakay ni bagyong Yolanda ang Kabisayaan.
Kahit nagkandahetot-hetot ang buhay ng 4-milyong biktima ni Yolanda, pinairal pa rin ang pulitika ng noo’y pangkat nina PNoy at Mar Roxas.
MGA DAM BANTAYAN
Sa kasagsagan ng bagyong Karen, itong San Roque Dam sa ibabaw ng Pangasinan at bahagi ng Benguet ay binantayan nang todo.
Kritikal kasi umano ang laman nito. ‘Yun bang === malapit nang sobra-sobra ang lamang tubig at ang binantayan nang todo ay kung magpapakawala ang management ng tubig o hindi.
Ang San Roque Dam ang pinakamalaking dam sa Pinas at nasa 200 metro sa ibabaw ng bundok ito.
Kung pinakakawalan ang tubig nito, grabe ang mga nililikha nitong mga baha hindi lang sa Pangasinan kundi sa ilang bahagi ng Cordillera.
Sa Mega Manila, lagi namang binabantayan ang tatlong dam: Sta. Mesa Dam, Ipo Dam at Angat Dam.
Itong Angat Dam ang pinagkukunan ng mahigit sa 90% ng suplay ng tubig ng Metro Manila.
Maalala pala natin, may nagawa na ba sa mga bitak ng Angat Dam?
Nakatatakot ang Angat Dam dahil sinasabing maaaring aabot sa 100,000 katao sa lalawigan ng Bulacan ang mamatay kapag basta na lang sasabog ito dahil sa mga bitak nito.
Ang mga dam ay dapat talagang bantayan at ang mga mamamayan na dinaraanan ng mga kanal nito ay dapat laging mapagbantay upang maiwasan ang kasiraan sa buhay at ari-arian kung magbawas ang mga ito ng tubig.
Pero sana, walang sasabog sa mga ito anomang oras na tiyak namang sadyang mapaminsala.
100% NA TULONG
Pinaiiral ngayon ni Pangulong Digong ang zero corruption sa lahat ng gawain o transaksyon ng pamahalaan.
‘Yun bang === maging ang relief goods na ipinamamahagi ng mga taong pamahalaan ay hindi dapat na mahaluan ng korapsyon.
Maalaalang sa bagyong Yolanda, nagkakandamatay na sa gutom at kahirapan ang mga biktima noon, anak ng tokwa, ang magagandang relief goods ay natagpuang ibinebenta sa mga grocery store at mall.
Marami rin ang hindi matagpuan dahil inangkin na ng mga taong pamahalaan.
Maging ang mga salapi ay hindi makita kung saan ginamit at meron ding malalaking halaga ang basta na lang ipinasok sa mga bangko at hindi inilalabas para pondohan ang mga proyektong pangkalamidad.
Ngayong panahon ni Digong, sinasabi nitong dapat ang para sa mga biktima ay ibigay nang lubos at hindi itago, nakawin at angkinin ng kung sinong put… ina.
Nagbukas na rin ang administrasyong Duterte ng mga linya ng telepono at internet para pagsumbungan ng mga mamamayan at araw-araw na sinisilip ni Digong para makakilos siya nang nararapat at napapanahon.
Nangangahulugan ang lahat ng ito ay dapat 100 porsyento ang paninilbihan sa lahat ng mga biktima ng kalamidad sa kabila ng mga kakulangan.
MAGTULUNGAN, MAGKAISA
Panahon na talaga na matutunan natin ang magkaisa at magtulungan, lalo na sa oras ng mga kalamidad at pangangailangan.
Magtulungan sa pagtiyak na lahat ng tulong ng pamahalaan sa mga mamamayan ay mapupunta nang buo sa mga mamamayan.
Isulong natin ang pagkakaisa at pagtutulungan hindi lang sa hanay nating mga mamamayan kundi sa pagitan ng mga mamamayan at pamahalaan.
Gumawa tayo ng mga bagay na karaniwa’y ‘di inaasahan ngunit sadya naman talagang makatutulong nang lubos, gaya ng ginawa ni Digong na pamamasyal sa Batanes sa gitna ng kalamidad na kahit kailan ay hindi ginawa ng sinomang Pangulo ng Pilipinas
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09228403333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
