BINABATI ko si Dean Amado Valdez sa pagkakatalaga sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang bagong chairman ng Social Security System (SSS).
Pinalitan niya si G. Juan Santos. Si Dean Valdez ay naging dekano ng School of Law ng University of the East (UE).
Sa pagkakaupo ni Valdez, umaasa ang maraming organisasyon ng mga manggagawa sa bansa ang naniniwalang hindi tututol ang SSS sa dagdag na P2,000 sa buwanang pensyon ng mga retiradong manggagawa na kasapi ng SSS.
Hindi kaparis sa nakaraan, sa pamumuno nina Santos at Emilio de Quiros, Jr. ay ginawang kontra-manggagawa ang SSS.
Dapat huwag na huwag kalimutan ng pamunuan ng SSS na ang SSS ay itinatag dahil sa interes at kagalingan ng mga manggagawa at hindi ng mga namumuno na mula P2-milyon hanggang P5-milyon ang sinasahod.
WALANG CALOOCAN DEATH SQUAD
TINIYAK ng pamunuan ng pulisya ng Lungsod ng Caloocan na wala itong death squad, o maging ang pamahalaang lokal, na pumapatay sa mga kilalang drug dealer.
Ang hinala ng pulisya ng lungsod na pinamumunuan ni S/Supt. Johnson Almazan ay mga bata ng mga druglord ang mga taong naka-bonnet habang pinapatay ang mga drug dealer sa lungsod.
Ang dahilan daw ay upang hindi ‘kumanta’ ang drug dealer, sa gayon hindi matunton ang utak ng sindikato ng droga sa Caloocan.
Dapat hinahanting ng pangkat ni Almazan ang mga pinuno ng sindikato ng droga sa Caloocan, kahit ang mga ito ay nagtatago sa labas ng Metro Manila. Sa gayon, hindi lamang mga pipitsuging drug pusher ang mga itinutumba.
Ang solusyon dito ni Mayor Oscar Malapitan ay dapat dagdagan ang police checkpoint sa lahat ng lugar sa lungsod.
Simple lang ang mungkahi ni Mayor Malapitan, ngunit malabong gawin ito ni Almazan.
Kasi kahit na matagal nang sinasabing dapat mayroong makikitang mga pulis sa mga kalsada sa lungsod ay madalas wala akong nakikitang pulis sa mga kalsada.
Diyan na nga lamang sa Samson Road ay walang pulis na nakapuwesto. Mayor Malapitan, subukan po ninyong umikot sa iba’t ibang bahagi ng lungsod nang hindi ninyo pasasabihan si S/Supt. Almazan para hindi makapaghanda—tiyak mag-iinit ang ulo mo, Mayor Malapitan. BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA