PERSONAL na ipinaramdam ni Pangulong Noynoy Aquino ang kanyang pagmamahal sa mga Cebuano.
Ito ang kanyang ipinakita matapos ang pagbisita niya sa Cebu nitong nakaraang Biyernes upang ihayag ang P27 bilyong proyekto na gagawin sa naturang probinsya.
Kakaiba naman ang ipinakitang pagkamangha ng mga Cebuano dahil ngayon lang sila nakaramdam ng ganitong pagmamahal buhat sa Pangulo ng bansa.
Pangunahing tututukan ng pansin ni PNoy ang pag-unlad ng turismo sa Cebu na kung saan bilyong piso ang inilaan nito para sa road improvements sa naturang probinsya.
Dalawa sa mga malalaking proyekto ay ang Mactan Cebu International Airport Passenger Terminal Building na nagkakahalaga ng P17.5 bilyon at ang Mactan Island Circumferential Road na siyang magpapaunlad ng turismo sa area.
Sa nasabing circumferential road na may habang 26 kilometro ay makatitiyak na ang mga tourist spot sa lugar ay madaling mapupuntahan ng mga bakasyonista dahil bukod sa maganda ang kalsadang gagawin ay malalawak ang lanes ng mga ito.
Maging ang problema ng mga Cebuano sa kuryente ay pinagtutuunan din ng pansin ni PNoy dahil naglaan siya ng P1.3 bilyon sa Naga Power Sub-station.
‘Yan po ang ibinunga ng tuwid na daan ni PNoy dahil ang buwis na kinolekta sa ating mga mamamayan ay naipagawa naman ng iba’t ibang makabuluhang proyekto sa iba’t ibang lugar sa bansa na nangangailangan ng tahasang pagkalinga ng pamahalaan.
Marami pang magagandang mangyayari sa administrasyong Aquino kaya’t manatili lang tayong nakasuporta upang bayan ay umasenso.