DALAWANG Taiwanese ang napatay ng mga anti-narcotics agent sa raid sa shabu lab sa lalawigan ng Isabela. Pumalag daw kasi ang mga suspek kaya pinatay ng mga pulis at taga-PDEA.
Okey ito kung pinatay dahil pumalag. Pero hindi okey kung pinatay nang walang kalaban-laban.
Malaking isda raw ang mga Taiwanese na napatay. Sila mismo ang nagmamanupaktura ng shabu sa nasabing laboratoryo.
Ibig-ipakita ng operasyong ito ng pulisya na wala silang sinasanto. Sana nga ay ganito. ‘Yun bang mga “big fish” na ang kanilang itumba kaugnay ng giyera laban sa droga.
Kasi, halimbawang nahuli nang buhay ang dalawang Taiwanese, pihadong pagdating sa Bilibid ay magiging katulad lang din sila nina Peter Co, Tony Co at Vicente Sy na nagpatuloy sa kanilang iligal na aktibidad dahil nga sa masamang sistema sa ating mga bilangguan.
***
Kasunod ng pagkakatuklas ng shabu lab na ito, iniutos ng pamahalaang lokal ng Isabela ang pag-iinspeksyon sa lahat ng malalaking factory rito.
Isa ito sa magandang hakbang na gagawin upang matunton kung saan-saan pa may drug laboratory na natatago.
Hindi lang sana ito gawin sa Isabela kundi sa iba’t ibang panig pa ng bansa, kung ang isang pagawaan ay may matataas na pader at kahina-hinala.
***
Katakot-takot na mura at insulto na ang inaabot ng Amerika kay Pangulong Duterte. Pero nagtataka tayo kung bakit kahit nasasaktan na sila ay ayaw pa rin nilang bitiwan ang Pilipinas?
Totoo nga kayang mahal lang nila tayo bilang matagal nang kaibigan o dahil mayroon silang hinahabol na pakinabang sa bansa?
Maliit at mahirap lamang tayong bansa pero ang Amerika ay kapit-tuko sa atin. Sinasabing handa na nilang paalisin ang kanilang mga sundalo sa Mindanao, subalit ‘wag ka, ayaw talaga nilang umalis.
Ano bang meroon sa Mindanao, mga tsong? Ang Mindanao lang naman ay napakayamang lupain.
Sa Mindanao matatagpuan ang napakalaking mina ng langis at ito ang kanilang tinatarget.
Kaya nga tama si Pangulong Duterte na ang bansang Pilipinas ay mabubuhay sa sarili nitong paa kahit wala ang ayuda ng Amerika at United Nations.
Hindi natin kailangang magpakatuta at magpakababa sa Amerika sapagkat hinuhulaan na ang Pilipinas ay mas magiging mayaman pa sa Saudi Arabia o Brunei kung usapin ng mina sa langis ang pag-uusapan. KANTO’T SULOK/NATS TABOY