TUWING papasok ang Christmas season ay nauungkat ang kampanyang “OPLAN Isnabero”.
Ito ang ginawa ng LTFRB na paraan para masita at madisiplina ang mga taxi driver na nangongontrata, namimili ng pasahero, at nag-o-overcharge, lalo ‘pag mahirap nang sumakay tuwing Kapaskuhan.
Sumasama ako noon sa mga mall para mag-observe at kapag nakakikita kami ng taxi na tumatanggi sa pasahero, lalo kung senior citizen o may mga bata ay sinisita namin ang driver.
Naalala ko ang isang GEJ taxi na nasakyan ko na may plate number na TXW995. Batam-bata ang driver na noon ay isang buwan pa lang daw na nagmamaneho ng taxi at galing sa Naga sa Bicol.
Matagal kaming nagkwentuhan. Sinabi niya sa akin na P1400 ang boundary niya isang araw. Mahirap ang pagmamaneho at talo sila sa traffic at tumataas na presyo ng krudo.
Ang masakit ay P300 a day lang sa 24 hours na duty ang nauuwi niya sa kanyang pamilya at hindi talaga sapat.
Tinanong ko kung nangongontrata siya para makadagdag sa kita. Sabi niya ay hindi dahil lagi siyang naka-metro at nagbibigay siya ng resibo sa pasahero.
Paano kaya niya pinagkakasya ang P300 a day?
Nagbayad ako at nagsukli siya ng tama kaya natuwa ako at binigyan ko siya ng malaking tip. Ayaw niya pang tanggapin noong una ang tip dahil napakalaki raw. Kumusta na kaya siya?
Sana hindi siya nagbago. Pero kailangan ng suporta ng mga katulad niya. May mga bagay na dapat natin itanong – ang P1,400 ba ay makatarungan na boundary kung medyo luma na rin ‘yung taxi na minamaneho?
At ilan ba ang sumusunod sa pagbigay ng resibo sa pasahero at ilan ang nagpapaalala tungkol sa P10 discount sa flagdown rate?
Maganda kaya na may tip box na sa loob ng taxi? Maganda kaya na may extra payment kapag may bagahe ang pasahero?
Kailangan na nga bang mabago ang policy sa fare ng taxi, lalo na kung ang uber at grab ay pinapayagang mag-fare surge ‘pag traffic? (although balak nang i-review ng LTFRB ito).
Nais ko ring idagdag dito ang pagkilala ng Lawyers for Commuters Safety and Protection kay JAD taxi driver Delson Tacuel ng Iloilo City na nagbalik ng gamit sa pasahero na naiwan sa kanyang taxi.
Nagbigay tayo ng kaunting token ng pasasalamat at tulong din na ipinaabot ni Atty. Jom Lamparero ng LTFRB. Marami pa ang dakilang taxi driver at nawa ay masuportahan sila ng mga mananakay at ng gobyerno. SIBOL/ATTY. ARIEL ENRILE-INTON