SA ika…..th na pagkakataon, nakatanggap ako kahapon ng ulat tungkol sa isa na namang election-related violence sa lungsod ng Caloocan.
At tulad ng nakaraang sumbong na karahasan, nakalulungkot isipin na ang mga biktima na naman ay mga kandidato at supporter ni Rep. Oca Malapitan.
Ang latest na nakaranas ng lupit ng maruming eleksyon sa lungsod ay sina Wewel de Leon at Dr. James Lao, parehong tumatakbong konsehal (2nd district). Bandang alas-12:30 ng madaling araw kahapon nang umalingawngaw ang tatlong putok na naging dahilan ng kaguluhan sa Williang Shaw St., Caloocan.
Thank God, hindi kami tinamaan, ayon kina De Leon at Lao.
Ugat ng karahasan ang pagsita ng supporter ni Malapitan sa isang grupo na sumasalaula at bumabaklas sa mga poster ng kongresista. Akmang kukuyugin na ang supporter ni Malapitan nang napadaan sina De leon at Lao na galing sa isang caucus malapit sa pinangyarihan. Ayon sa dalawang kandidato, sila’y pinaputukan ng mga armadong lalaki nang tangkaing makialam at tulungan ang supporter ni Malapitan.
Matatandaan na sa mga unang araw ng kampanya, isang tauhan ni 1st district council bet Dean Asisito at Malapitan ay binugbog. Sumunod na nakaranas ng pananakot at panunutok ng baril si Danny Mario, broadcaster at publisher ng isang weekly tabloid.
Sila’y ilan lang sa dumaraming kandidato at supporter ni Malapitan na nakaranas ng dahas dahil sa mainit na pulitika sa lungsod.
Marami ang nakararanas ng dahas, pero piniling manahimik sa takot na sila’y matulad sa mga biktimang tinutukan, pinukpok ng baril at binugbog.
Ang tanong? Sino nga ba ang nasa likod ng lahat ng mga karahasang ito. Ang sabi ng pulisya, kung sino siya, “iyon ang sentro ng aming imbestigasyon”.
Sa lahat ng nangyayaring ito sa Caloocan, hindi maitatatwa ni S/Supt. Rimas Calixto na siya’y nagkukulang sa pagganap ng kanyang trabaho. At kung may delicadeza pa si colonel, dapat ay umalis na siya sa ipinamana sa kanyang pwesto ng napaagang nagretiro na si S/Supt. Jude Santos.
Mahirap kasi ang may utang na loob, pero dapat tandaan ni colonel na nakataya ang kanyang dangal…kung alam niya ang meaning ng salitang ‘dangal.’

