TRADISYON na para sa mga Filipino ang pumasyal sa maliliit na karnabal na kung tawagin ay perya kapag may piyesta o malapit na ang Pasko, at magpakasaya sa pagsakay sa Ferris Wheel o kaya ay Horror Train.
Ligal ang operasyon ng perya kapag nakakuha ng permit para mag-operate at nakapagbayad ng kaukulang amusement tax sa gobyerno.
Nagiging iligal lamang ang takbo ng perya kapag pinasukan ng bawal na sugal na tulad ng “color games” at “drop ball” kaya tinatawag itong “pergalan”.
Batid naman natin na kapag iligal ang isang negosyo at malaki ang kinikita ay hindi ito makapagpapatuloy kung walang basbas ng mga corrupt na awtoridad.
Ang mga nagpapatakbo ng pergalan ay obligadong maglagay at magbigay ng lingguhang parating sa mga nangongotong na pulis.
Noong isang linggo lang ay ibinunyag ng Firing Line ang color game ni “Marissa” na katabi lang ng sangay ng Andok’s sa Quezon Boulevard sa Quiapo.
May sugalan din siya sa Ilaya sa Divisoria na malapit lang sa mismong PCP at pati na sa simbahan. Hinihintay lang nilang magsara ang simbahan bago buksan ang sugalan.
Pero isang araw lang tumigil ang iligal na operasyon ni Marissa at agad din nagpatuloy ang maliligayang araw nito.
Marahil ay hindi na magsisilbing palaisipan kung bakit hindi natitinag ang operasyon ni Marissa.
Ang tanong na lang na umiinog sa isipan ng ibang nagsumbong sa Firing Line tungkol sa iligal niyang operasyon ay kung ano raw kaya ang “Pamasko” na isinuka nito sa mga “panginoon” para magpatuloy ang kanyang pagpapatakbo?
Muli ay nananawagan tayo kina Supt. Santiago Pascual III, Manila Police District Station 3 chief, at Supt. Arnold Thomas Ibay, MPD Station 2 chief, na nakasasakop sa Quiapo at Ilaya. Aksyunan po ninyo ito.
Totoo kaya na kahit kay Mayor Erap Estrada ay malakas ang babaeng ito? Hindi rin natitinag ang “Saklang Patay” na ang financier ay si JM.
Ang nagpapatakbo ng sakla ay si Zaldy Rivera na kolektor din umano sa pirated DVDs ng mga pulis.
Itong si Jun Pulo naman na kolektor daw ng District Special Operations Unit (DSOU) ng Quezon City Police District ay nag-o-operate rin ng saklaan.
Hiling natin na umaksyon ang QCPD Station 3 na ang hepe ay si Superintendent Danilo Mendoza dahil nasasakop nila ang tatlong saklaan sa Baesa, Quezon City.
At siyempre, natural lang na ipinaaabot din natin ang panawagan sa bagong promote na si C/Supt. Guillermo Eleazar, QCPD director, para aksyunan ang mga sugalang ito.
oOo
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.
