NAKABABAGOT ang biyahe ng mga sasakyan sa Metro Manila ngunit napakaginhawa ang patungo sa Ilocos Region at Cordillera.
Kahit saan sa Metro Manila, mabigat ang trapik bukod lang sa araw ng Linggo.
Magkagayunman, maginhawa lang ang daloy ng trapiko ng mga sasakyan panorte kung daraan ka sa tatlong expressway: North Luzon, Subic-Clark-Tarlac at Tarlac-Pangasinan-La Union.
Bawas ng dalawang oras ang biyahe panorte dahil sa tatlong expressway na ito.
GUMINHAWA PERO BIBIGAT
Sa Metro Manila, guminhawa nang konti ang trapik nang pairalin ng pamahalaan ang diretsong patakaran sa number coding.
‘Yun bang === wala nang window period o free for all sa lahat ng sasakyan matapos ang bawal na mga oras.
Mula alas-7 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi na ang pagbabawal sa mga sasakyang tinatamaan ng number coding.
Pero mananatili ang bigat ng trapiko, lalo na sa mga lugar na may ginagawang imprastraktura gaya ng Skyway na panorte mula sa Makati City hanggang Balintawak, Quezon City.
Mukhang taon pa ang bibilangin bago matapos ang lahat ng mga bara sa lansangan na dulot ng nasabing proyekto.
At maaaring sasama pa ang kalagayan sa balak ng administrasyong Duterte na gumawa ng mga karagdagang imprastraktura para sa huli ay luluwag din ang biyahe sa huling mga araw nito.
BARANGAY, CITY ROADS
Walang tayong matatakbuhan sa Metro Manila sa mga sitwasyong emergency o sobrang bigat ng trapiko sa mga pangunahing lansangan kundi sa mga barangay at city road.
Pero napakaraming bara naman sa mga barangay at city road.
Nandiyan ang sinasakop ng mga barangay hall, illegal vendor, basketbolan, swimming pool na pinahahanginan, simbahan o kapilya, vulcanizing shop, junkshop, kainan, sirang sasakyan, sampayan, hagdan ng mga bahay, sampayan at kung ano-ano pa.
May ilang barangay na rin sa Maynila, Caloocan at Quezon City na may pintuan ang mga kalsada at basta na lang isinasara ang mga ito na parang pribadong subdibisyon.
Ang mga kanto, paboritong garahe ng mga kariton at sako-sakong mga basura, pati ang mga tulay ay ginagawang garahe.
Paano ka makapapasok o makararaan sa mga kalsadang ito sa ganitong kalagayan?
TRAYSIKEL SA NORTE
Sa labas ng mga nasabing expressway, daraan ka sa mga bayan-bayan na maluluwang na rin ang karamihan sa mga national road.
‘Yun bang === bibihira na ang two way at karamihan na ang kasya sa apat na sasakyan at marami na ang mga sementado.
Kaya lang, ewan natin sa mga traysikel at doon sila sa mga inner lane dumaraan at hindi sa tabil.
Imadyinin natin na tumatakbo ang mga ito ng 20-30 kilometro kada oras, anak ng tokwa, hindi ka makatakbo nang mas mabilis.
Kung mag-ooberteyk ka naman sa kanan, disgrasya ang aabutin mo dahil biglang kumakanan ang mga ito na magbaba o magsakay ng pasahero.
Delikado rin ang oberteyk sa kanan dahil ginagawa na ring garahe ng mga sasakyan ang gawang kalsada.
SOLUSYON SA LALAWIGAN
Walang opisyal ng gobyerno ang hindi nakaaalam sa mga problema sa trapik na bunga ng mga bara sa kalsada. Mula barangay hanggang sa nasyonal.
Kaya lamang, may sakop ang kapangyarihan ng bawat isa. ‘Yun bang === hindi basta napakikialaman ng nasyonal ang mga kalsadang pambarangay, pangmunisipyo, panlungsod at panlalawigan.
Ganito rin ang kabaligtaran nito.
Subalit, dahil sa nagaganap na mabigat na trapik kahit saan, dapat na gumawa ng remedyo ang lahat ng mga pamahalaang lokal at nasyonal.
Isa na rito ang paggawa ng patakaran na sa mga gilid na kalsada daraan ang mga mababagal na sasakyan at pagtabi ng husto ng mga pumaparadang sasakyan sa mga lalawigan.
Kinakailangan na maisaulo ito ng lahat ng mga tsuper at gawin nila sa lahat ng oras.
SA METRO
May say ang mga kapitan ng barangay at mayor sa Metro Manila sa mga baradong lansangan sa mga barangay at city road.
Ang mga taga-Metro Manila Development Authority at pambansang pamahalaan ay handa namang tumulong sa mga lokal na pamahalaan kung tinatawagan ang mga ito.
Ang totoo, maraming barangay at city road ang maluluwang ngunit barado nga sa iba’t ibang kadahilanan.
Sa hanay, halimbawa, ng mga nasa pamahalaang barangay, paano disiplinahin ang mga ito sa pagtatayo ng mga barangay hall sa mga bangketa at kalahati ng kalsada at paano librehing pumasok at dumaan ang mga sasakyan sa mga gated na kalsada?
Paano naman ayusin ng mga pamahalaan lungsod ang mga city road na ginagawang kainan, junkshop, illegal vending at parking area nga nakatayong pambansang ahensya?
Ang totoo, maaayos ang lahat at gagana ang maginhawang daloy ng mga sasakyan kung magtulong-tulong ang mga pamahalaang lokal at pambansa para rito, sa mga lalawigan man o sa Metro Manila.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09228403333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA